(Para iwas sa COVID-19) FACE-TO-FACE TRANSACTIONS NG PNP GAGAWING DRIVE-THRU

Camilo Pancratius Cascolan

CAMP CRAME-UPANG mapigilan ang second wave ng coronavirus disease (COVID-19) sa police force, isinusulong ni PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na gawing drive-thru na ang lahat ng frontline services sa Camp Crame.

Bunsod nito, pansamantalang ihihinto muna ang face-to-face transactions sa Kampo.

Ang nasabing hakbang ang isa sa mga tinalakay na paraan para mapangalagaan ang kalusugan ng mga pulis sa gitna ng COVID-19 pandemic sa isinagawang emergency meeting ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) na kaniyang pinamumunuan.

Sa datos ng PNP as of July 6, 6PM  umabot na sa 3,251 ang naapektuhan ng COVID-19 at kasama sa numero ang 418 na gumaling,  9 na namatay,  905 confirmed positive,  1,238 suspect person under investigation (PUIs) at 684 probable PUIs.

Ayon kay Cascolan, ang frontline services tulad ng pagkuha ng lisensya ng baril o clearance sa sasakyan ng Highway Patrol Group (HPG) sa kampo ay maaaring gawing drive- thru na lang o kaya ay sa pamamagitan ng virtual at online transaction para maiwasan ang physical contact.

“Protocols for no face- to- face transactions, frontline activities which would be stopped or continued through virtual transactions and ang pinakuwan diyan, is drive through,” pahayag ni Cascolan sa PILIPINO Mirror.

Aniya, puwede rin maglagay na lang “drop box” sa mga gate ng Camp Crame para sa may mga kailangang isumite ng dokumento tulad sa pagkuha ng permit at lisensiya ng mga guardya at security agency.

Paliwanag ni Cascolan, ang pinaka-epektibo paraan para maiwasan ang pagkahawa ng kanilang mga tauhan ay bawasan ang face-to-face contact.

Kaya maging ang mga ibang transaksyon sa ng publiko na puwedeng gawin sa pamamagitan ng Internet o yung “virtual transactions” ay kanila rin ipapatupad.

Isusumite ni Cascolan ang nasabing plano kay PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa para aprubahan bilang bahagi ng Administrative changes na ipatutupad sa PNP upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng coronavirus at upang makasabay sa “new normal” ang police force. EUNICE C.

Comments are closed.