(Para mag-adjust sa taas-presyo) PBBM PALALAWIGIN ANG 4Ps

INATASAN  kahapon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Economic and Development Authority, Philippine Statistics Authority at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na manguna sa isang pag-aaral upang makahanap ng mga paraan para sa tulong ng gobyerno, partikular na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), upang maging mas tumutugon sa mga epekto ng inflation sa pinakamahihirap na mamamayan.

Sa isang briefing ng Palasyo, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang direktiba ay ginawa ni Pangulong Marcos sa sektoral na pagpupulong noong Martes, kung saan binanggit na nais ng Punong Ehekutibo na magawa ito sa lalong madaling panahon.

“Isa sa mga inatasan niyang pag-aralan namin ay paano huwag mag-diminish o mabawasan ang halaga ng mga financial assistance or grants na ibinibigay natin sa ating mga mahihirap na kababayan,” ani Gatchalian.

“Alam naman natin na ginagawa ng economic team lahat para mapababa ang inflation, pero habang ginagawa ‘yun, kailangan maapektuhan yung pagprotekta sa peso value ng mga grants na ibinibigay natin, katulad sa 4Ps at sa iba pang mga programa na natuon sa pagbibigay ng social portection sa pinakamahihirap nating kababayan,” dagdag ni Gatchalian.

Makikipagtulungan ang DSWD sa NEDA at Philippine Statistics Authority (PSA) para hanapin ang “best index” na gagamitin sa pagsasaayos ng mga grant ng gobyerno.

“‘Yan yung gist ng meeting kaninang umaga (Martes) na masigurado na naka-price index whether it’s cost of living or price of the essential baskets. We were tasked to work with PSA and the NEDA to find the best index to use to make sure na ang tulong pinansiyal, whether the 4Ps grants or, I guess, all other social protection that we do i-make sure na hindi namin siya napag-iiwanan kung nagkaroon ng spikes like inflation,” anito.

Ang programang 4Ps, sa ilalim ng RA 11310, ay nagbibigay ng isang nakapirming halaga ng cash sa mga benepisyaryo. Upang madagdagan ang halaga ng grant, isang bagong batas para sa bagong round ng cash grant, ay kailangang maipasa ng Kongreso.

Ngunit sinabi ni Gatchalian na nais ng Pangulo na matiyak na ang mga social protection programs ay hindi lamang naipatupad sa tamang oras kundi tumutugon din sa mga hamon na dala ng inflation. Kaya sa halip na magkaroon ng bagong set ng cash grants, inutusan sila ng Pangulo na bumuo ng isang set ng formula para sa mga grant para mai-adjust ito batay sa kasalukuyang presyo at rate ng inflation.

Ayon kay Gatchalian, naitala ang inflation rate ng bansa para sa pinakamababang 30 percent income households, na pinaka-naapektuhan ng inflation, na naitala sa 6.7 percent noong 2023.

Sinabi ni Gatchalian na nais ng Pangulo na gawin kaagad ang pag-aaral. “In the President’s term naman lahat, ‘everything has to be done now.’ ‘Di ba sa Bagong Pilipinas hindi pinag-uumaga ang trabaho,” pagtatapos nito.