PARA MAGING HANDA AT HEALTHY SA BUONG ARAW NA PAGTATRABAHO

PAGTATRABAHO-1

ARAW-ARAW tayong nagtutungo sa opisina. Dahil dito, marami ang maaaring mangyari sa atin na hindi natin inaasahan. Sa bawat pamamalagi mo sa office, hindi mo masasabing magiging okay ang trabaho o ang opisina mo. O kaya naman, ang katrabaho mo.

May mga pagkakataong biglang may nangyayaring hindi inaasahan. Kaya naman narito ang ilang mga bagay na dapat mayroon sa table mo sa office para ma­ging handa ka sa anumang puwedeng mangyari at siyempre, mapanatiling healthy ang pangangatawan sa bawat sandali:

LISTAHAN NG MGA GAGAWIN SA BUONG ARAW

Unang-una, maglagay ng listahan ng mga gagawin mo sa buong araw.

Sa kapaguran natin o sabihin na nating sa sangkatutak na gagawin sa buong araw, kung minsan ay may nakaliligtaan tayong gawin. Paano kung ang nakaligtaan pala na­ting gawin ay importante o kailangang-kailangan. E ‘di magkakaproblema ka pa sa boss mo o mga kasamahan.

Kaya naman, sa mga medyo makalilimutin na riyan, isang option ang paglalagay ng to-do list o listahan ng mga gagawin o kailangang gawin sa buong araw.

Unahin sa listahan ang mga importanteng gagawin at hindi dapat ipag­pabukas. Makatutulong ang paglilista ng mga gagawin sa buong araw nang hindi mo makaligtaan ang mga bagay-bagay. Siguraduhin ding makapagpo-focus ka sa mga gagawin mo.

Iwasan ding ma-distract sa mga bagay na hindi naman mahalaga nang matapos mo kaagad ang iyong mga gawain at wala kang makaligtaan.

TUBIG AT LIGHT SNACKS

Isa ang tubig sa hindi dapat nawawala sa ating mga lamesa lalo na kung nagtatrabaho tayo. Kadalasan kasi, lalo na kapag marami tayong ginagawa ay tinatamad na tayong tumayo.

Ipinagpapaliban natin ang pagtayo at pagkuha ng tubig kahit na uhaw na uhaw na tayo.

Kaya para hindi maistorbo, makatutulong kung mayroon kang bote ng tubig sa table mo, mauhaw ka man, hindi mo na kailangang tumayo.

Ang pagiging hydrated ng utak at kawatan ay nakatutulong upang magawa mong mabuti ang iyong trabaho. Mas magiging produktibo ka rin. Kaya, siguraduhing may bote ng tubig sa table mo.

Nakagugutom din kapag marami tayong ginagawa. Gayunpaman, iwasan natin ang pagkain ng mga matatamis at sobrang maaalat. Mas maganda kung ang mga healthy at light na pagkain ang babaunin o kakainin  para makapag-isip ka ng mas mabuti.

Puwede kang magbaon ng apples o kaya naman saging. Puwede rin naman ang nuts gaya ng almond at walnuts. Nakatutulong ang mga ito para mapanatili mong malakas ang iyong katawan.

PHONE CHARGER AT EARPHONE

Isa ang cellphone  sa madalas nating ginagamit sa office— sa pagtawag sa mga kliyente at kung ano-ano pa. At dahil madalas na kailangan natin ang cellphone, isa rin sa hindi natin dapat kinaliligtaan ay ang charger ng ating mga cellphone. Mas maganda na iyong handa tayo sakaling mawalan tayo ng battery. Paano nga naman kung may tumawag sa ating kliyente, sayang naman kung hindi natin masasagot dahil lang empty battery ang cellphone mo. Kaya siguraduhing may charger kang dala para anuman ang mangyari sa buong araw na pagtatrabaho mo, lagi kang handa.

Hindi rin siyempre puwedeng mawala ang earphone. May mga pagkakataon kasing gusto nating mag-relax ng saglit at nais nating makinig ng musika. Hindi naman puwedeng magpatugtog ka na lang bigla-bigla. Makabubulabog ka sa mga kasamahan mo. Paano kung ayaw nilang maistorbo, e ‘di nainis pa sila sa iyo.

Kaya, huwag ding kaliligtaan ang pagdadala ng earphone nang kaila­nganin man, may magagamit ka.

TISSUE AT HAND SANITIZER

Isa ang tissue sa dapat na mayroon tayo, hindi lamang sa ating table sa opisina kundi maging sa ating bag. Madalas nga naman nating kailangan ito.  Kaya naman,  para maging handa sa anumang bagay, siguradu­hing lagi kang may dalang tissue o mayroong naka­lagay na tissue sa table mo sa opisina. Halimbawa, kapag may natapong kape o tubig, mabuti na iyong may makukuha ka kaagad na pamunas kaysa mag­hagilap ka pa. Baka kapag hindi mo napunasan kaagad ang nabasa mong table, madamay pati ang mga kailangan  o importanteng papeles at  gamit.

Isa rin ang hand sanitizer sa hindi dapat na nawawala sa ating mga lamesa o maging sa ating bag. Dapat ay lagi tayong mayroon nito nang masi­guro nating malinis ang ating mga kamay. Puwede ka rin namang maglagay ng lotion at kung ano-ano pang mga gamit pampaganda sa iyong desk o sa drawer.

LIBRO O KAHIT NA ANONG BABASAHIN

Dumarating ang pagkakataong kung minsan ay nahihirapan tayong mag-isip o tapusin ang isang gawain. Sa mga empleyadong ang trabaho ay may kinalaman sa salita o pagsusulat, napakahalaga ng paglalagay ng libro sa kanilang lamesa o ang pagdadala nito saan man sila magtungo.

Bukod nga naman sa nakapagpapa-relax ang pagbabasa ng libro o kahit na anong babasahin, nakatutulong pa ito para madagdagan ang ating kaalaman at higit sa lahat, gumana ang pupurol-purol nating isipan.

Kaya naman, tandaang magdala o maglagay ng kahit na anong babasahin sa lamesa nang sa mga panahon o oras na tila ayaw gumana ang utak, may mababasa. Matutulungan kayo nitong makapag-isip.

Ang mga nakalista sa itaas ay mga simpleng paraan na makatutulong sa inyo para maging handa kayo anuman ang mangyari habang kayo ay nagtatrabaho. Kaya naman, siguraduhing may mga ganitong bagay sa inyong table nang maging handa at healthy sa buong araw na pagtatrabaho.