CAMP CRAME – NASA 700 mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang idineploy na para tumulong sa pagbibigay ng mahigpit na seguridad sa Undas.
Ang 695 na tauhan ng PNP-HPG ay ipinoste na para magbantay sa mga matataong lugar.
Ayon kay PNP-HPG Acting Director Brig. Gen. Dionardo Carlos, 360 ng kaniyang mga tauhanan ay ini-assign sa mga sementeryo, 260 sa mga bus terminal, 26 sa mga train station, 34 idineploy sa mga seaport at 15 HPG personnel idineploy sa mga paliparan.
Pahayag ni Carlos na tututukan at babantayan nila ang dagsang pasaherong lalabas sa Metro Manila patungo sa mga probinsiya para matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Aniya, ang mga tauhan mula sa PNP-HPG headquarters ay magbabantay ng mga sasakyang maglalakbay bago lumabas ng Metro Manila.
Habang ang national highway ay babantayan ng mga pulis na nakatalaga sa mga rehiyon kasama ang iba pang unit ng PNP.
Bukod sa mga HPG personnel mayroon pang mahigit 2,000 force multipliers na kanilang makakatuwang sa pagbabantay.
Tiniyak naman ni Carlos na kahit abala sila sa pagbibigay ng seguridad sa paggunita ng Undas ay may mga nakatutok pa rin sa kanilang operasyon kontra carnapping vehicles. REA SARMIENTO
Comments are closed.