TAGUIG CITY – IMINUNGKAHI ni National Capital Region Police Office, Major General Guillermo Eleazar na payagan ang mga pulis sa loob ng mga paaralan upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante matapos ipahayag ng ilang magulang sa Senado noong nakaraang linggo na ang kanilang mga anak ay nawala matapos ma-recruit ng mga left-leaning organisasyon.
Si Eleazar ay nagbigay ng kanyang pahayag kahapon matapos ang isinagawang Senate hearing noong nakaraang linggo na ayon sa mga magulang ng mga batang nawala na umano ay ni-recruit ng Left-leaning na organisasyon ang kanilang mga anak na pawang mga senior highschool lamang.
Sinabi pa ni Eleazar na ang presensya ng mga pulis sa loob ng mga paaralan ay matagal ng hindi pinapayagan ng ibang paaralan at unibersidad.
“Nung nasa QCPD (Quezon City Police District) pa ako, merong ganu’ng panuntunan or arrangement with state universities particularly University of the Philippines. ‘Yung presence ng police sa loob ng campus ay hindi pinapayagan,” pahayag ni Eleazar.
Ayon kay Eleazar, naniniwala siya na hindi naman masama at sagabal kung papayagan ang mga pulis na magkaroon ng access sa loob ng mga campus at unibersidad.
Sinabi pa ni Eleazar na marami pang susunod na hearing ang ipatatawag ni Senador Bato Dela Rosa upang pag-usapan at talakayin ang mga bagay na puwedeng ma-improve sa sitwasyon sa loob ng mga eskuwelahan.
Matatandaan na naalarma si Bato matapos na mapag-alaman nito na may 513 na menor de edad ang ni-recruit ng New People’s Army.
“Alarming in the sense na mga menor de edad ito na dapat nag-aaral. Bakit andu’n sa kalsada? Nabe-brainwash, pino-poison ang utak nitong mga makakaliwa para lumaban sa gobyerno. Very alarming ‘yan,”pahayag ni Bato. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.