(Para maibaba sa P20 ang presyo ng kada kilong bigas) P400-B PONDO KAILANGAN NG AGRI SECTOR

AGRI-INDUSTRY

MALAKING pondo ang kakailanganin ng sektor ng agrikultura upang maisakatuparan ang plano ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr. na ibaba ss P20 ang presyo ng kada kilong bigas.

Ayon kay Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat, tiwala siya na maaaring maibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo basta mailalatag ang mga tama at napapanahong programa para sa sektor ng agrikultura.

Gayunman, mangangailangan, aniya, ng hindi bababa sa P400 billion na dagdag na budget upang mapasigla muli ang agrikultura.

Sinabi ni Cabatbat na sa pondong ito ay matitiyak na maibibigay ang mga kinakailangang pangunahing serbisyo at imprastraktura, gayundin ay masasawata na ang napakamahal na gastos sa produksiyon mula pataba, irigasyon hanggang sa bentahan ng ani.

Naniniwala ang mambabatas na mahalagang maipakita ng bagong administrasyon na buo ang kanilang tiwala sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng sapat na suporta gaya na lamang ng mga nangyari sa Thailand at Vietnam na kilala na ngayon bilang “rice exporting countries”.

Hirit ng kongresista sa papasok na administrasyon na bukod sa buhusan ng pondo ay ayusin din ang mga polisiya at maglagay ng mga pinuno na pro-farmers sa Department of Agriculture (DA) para matiyak ang P20 na kada kilo ng bigas.

– CONDE BATAC