NAIS ng Cabinet Economic Development Cluster na doblehin ang fuel subsidy para sa public transport drivers na mula P2.5 billion ay gagawing P5 billion.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) chief Karl Chua, isa ito sa mga intervention na inirekomenda ng economic team para makatulong na mapagaan ang epekto ng Russia-Ukraine war sa mga Pilipino.
Sa ika-10 sunod na linggo ay sumirit ang presyo ng mga produktong petrolyo, at ang paglusob ng Russia sa Ukraine ay inaasahang magpapalala sa sitwasyon.
Isinusulong din ng economic team ang pagtataas sa budget para sa fuel discount vouchers para sa mga magsasaka at mangingisda mula P500 million sa P1.1 billion.
Ayon kay Chua, ang first tranche ng subsidiya at discount vouchers ay maaaring ipamahagi ngayong buwan, habang ang second tranche ay sa Abril.
Ipinapanukala rin ng economic team na dagdagan ang buffer stock ng petrolyo ng bansa mula sa kasalukuyang 30 sa 45 araw, gayundin ang buffer stock ng liquefied petroleum gas mula 7 sa 15 araw. Gayunman, aminado si Chua na kapwa kakailanganin nito ang pagpasa ng bagong batas.
Idinagdag pa niya na kailangang patuloy na makipag-usap ang pamahalaan sa promotional discount na P1 hanggang P4 kada litro para sa PUVs.
Para matulungan pa ang transport sector, inirerekomenda rin ng economic team ang pagsuspinde o pag-alis sa pass-through fees na kinokolekta ng local government units, industrial parks at subdivisions.
Bukod dito, isinusulong ng economic team ang pagsasailalim sa buong bansa sa Alert Level 1 at pagpapatupad ng in-person classes sa lahat ng eskuwelahan para madagdagan ang domestic economic activities.
Inilatag din ni Chua ang iba pang panukalang interventions para sa agrikultura tulad ng pagpapababa o pagmamantine sa kasalukuyang taripa para sa ilang imported commodities tulad ng bigas, mais at baboy hanggang December 2022 para matiyak ang sapat na supply at mapababa ang presyo.