(Para maibsan ang epekto ng taas-presyo) EXCISE TAX SA LANGIS TANGGALIN

Risa Hontiveros

IMINUNGKAHI ni Senadora Risa Hontiveros ang pag-aalis sa excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law upang maibsan ang inaasahang matinding epekto ng big-time oil price hike sa mga konsyumer.

Reaksiyon ito ni Hontiveros matapos ianunsiyo ng mga kompanya ng langis ang pagtaas ng presyo simula ngayong araw ng kada litro ng diesel ng P5.85, gasolina ng  P3.60, at kerosene ng P4.10.

Ang pagtaas ay dahil sa pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa gitna ng nagpapatuloy na Russia-Ukraine conflict.

“Sobrang mabigat ang magiging epekto nito sa ating mga kababayan – sa ating mga drayber, mga mangingisda, maliliit na negosyante, at maging sa ating konsyumer ng koryente lalo na sa mga off-grid islands na gumagamit ng diesel para sa mga generation power plants,” ani Hontiveros.

Idinagdag niya na ang langis, bilang isang produktong kailangan sa lipunan, ay nananatiling isa sa mga pangunahing mapagkukunan ng enerhiya sa bansa lalo na para sa transportasyon. Kumokonsumo ang bansa ng humigit-kumulang 400,000 bariles ng langis araw-araw.

Matatandaang si Hontiveros ang nag-iisang bumoto sa Senado kontra pagpasa ng TRAIN law.

“Naalala ko, ang pinakamalaking pangamba ko noong tinutulan ko ito ay ang maaaring mangyari sakaling patawan ng excise tax ang mga produktong petrolyo na hindi natin kontrolado ang galaw ng presyo,” sabi ni Hontiveros.

Kaya naman para sa senadora, ang tanging paraan para maprotektahan ang mamamayan sa mabigat na epekto ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis ay ang pag-alis sa excise tax sa mga produktong ito.

“Matagal na nating pinapasan ang bigat ng ipinataw na excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law. Mula P2.50 na excise tax kada litro ng gasolina noong 2018 ay umaabot ng hanggang P10/liter simula noong nakaraang taon. At sa bawat pagtaas pa ng presyo nito ngayon ay may katumbas din na pagtaas sa sinisingil na tax,” paliwanag ng senadora.

Idinagdag pa niya na bukod sa domino effect ng pagtaas ng presyo ng langis sa iba pang mga produkto, singil sa koryente ang isang direktang tinatamaan ng pagpapataw ng excise tax sa langis lalo na sa mga off-grid islands kung saan ang koryente ay pangunahing nagmumula sa mga diesel-run generator ng National Power Corporation (NPC).

“Nabalitaan ko rin mula sa Romblon Electric Cooperative at Association of Isolated Electric Cooperatives (AIEC) na simula ngayong buwan ay magkakaroon ng dagdag- singil sa koryente sa mga isla na maaaring umabot ng hanggang P2.00/kWh sa susunod na 3 taon batay sa naging desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) nitong nakaraang Enero. Ito raw ay para sa recovery ng excise tax sa langis na irerekober o pass-on ng NPC sa mga konsyumer. Dagdag na pabigat ito sa ating mga kababayan na naninirahan sa off-grid islands,” ayon pa kay Hontiveros.

Iginiit niya na ang pag-alis ng excise tax sa langis at pagsususpinde sa pagpapatupad ng utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa rate hike ay magpapagaan ng pasanin na ipinataw ng economic policies, kabilang ang Oil Deregulation Law na aniya, ay dapat suriin o ipawalang-bisa upang maprotektahan ang interes ng mga mamimili. VICKY CERVALES