4-DAY WORK BINUHAY PARA MAIBSAN ANG PROBLEMA SA TRAPIKO

edsa

SA LAYUNING maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila, binuhay sa Kamara ang panukalang batas na gawing apat na araw na lamang ang pasok sa trabaho kada linggo.

Ayon kay Baguio City Rep. Mark Go, kung paiikliin ng gobyerno ang work week ay mababawasan din ang bilang ng mga sasakyang bumibiyahe sa EDSA.

“Nagtatrabaho ang mga empleyado ng six days a week, pero ‘yung compressed work week ay gagawing four days lang para maibsan ‘yung traffic lalong-lalo na riyan sa Edsa,” paliwanag ni Go.

“Can you imagine now you are working six days, gaga­wing four days? Longer hours, shorter ang week. Ito ay isang approach dito,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng panukala, magiging 10 oras na ang trabaho ng mga manggagawa sa pampublikong sektor kaya magiging apat na araw na lamang ang pasok ng mga ito kada linggo.

Anang kongresista, sa pri­badong sektor ay may kompanya nang pinayagan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng compressed work week kaya walang dahilan para hindi ito gawin, lalo na’t hindi naman nababawasan ang sahod ng mga empleyado.

Paliwanag pa niya, makatutulong din ito sa mga manggagawa para magkaroon sila ng mahabang oras sa kanilang pamilya dahil sa ngayon ay nababawasan ang kanilang  panahon sa loob ng bahay dahil pahaba nang pabaha ang nasasayang nilang panahon sa kalsada dahil sa matinding problema sa trapiko.

Bukod dito, ipinanukala rin ni Go ang pagbabawal sa mga taxi na maghintay ng mga pasahero sa harap ng terminals sa EDSA, gayundin ang pagtatayo ng karagdagang Metro Rail Transit lines sa EDSA, para magkaroon ang publiko ng alternatibong masasakyan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM