DAPAT na palawakin pa ng gobyerno ang ayuda sa ilalim ng Small Business Wage Subsidy (SBWS) program para maiwasan ang tanggalan sa trabaho sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa sandaling mapalawig pa ang lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Senadora Imee Marcos, base sa kasalukuyang P51-billion SBWS budget, tinatayang nasa 4.6 milyong manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho, lalo na ang mga nasa sektor na pinakamatinding tinamaan ng lockdown gaya ng mga nasa trade, transportation, accommodation and food, manufacturing at construction.
Aniya, para mabigyan ng ayuda ang lahat, mangangailangan ang pamahalaan ng halos P63 bilyon sa unang buwan pa lang at base sa pinakahuling Occupational Wages Survey noong 2018, kapag kinuwenta ang 75% ng average na buwanang pasuweldo, papatak ito sa Php 18,108.
Sa pagtataya ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, hanggang three-fourth na pasuweldo ng MSMEs ang dapat ibigay na subsidiya ng gobyerno habang umiiral ang community quarantine.
Nauna nang iniulat ng Department of Finance (DOF) na mahigit sa 436,000 na maliliit na negosyo ang nag-sara mula pa noong kalagitnaan ng Marso dahil sa ipinatutupad na lockdown sa Luzon at sa iba pang lugar sa Visayas at Mindanao.
“Ang mga manggagawang arawan at rank-and file employees ang itinuturing na makina o nagpapatakbo ng isang kompanya. Ang pagbibigay ng malaking subsidiya ng gobyerno sa kanilang suweldo ay pagbibigay rin ng malaking tsansa o pagkakataon sa mga pinapasukan nilang MSMEs para magpatuloy ang operasyon at makabangon sa krisis,” ani Marcos.
Bukod sa 75 percent payroll subsidy na nakapaloob sa kanyang inihaing Senate Bill 1431 o Economic Recovery Act of 2020, iminungkahi rin ni Marcos na pansamantalang suspendihin ang buwis o taripa sa mga imported na raw materials para mabawasan ang gastusin ng mga kompanya at mapatatag ang presyo ng mga produkto o mga bilihin. VICKY CERVALES