HINIHIKAYAT ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat na dalawin na nang maaga ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery para samantalahin ang long weekend nang makaiwas sa surge sa November 1 at para din sa kanilang kanilang kaginhawahan.
“Bago pa mag-November 1 at November 2, dalawin nyo na ang inyong mga kaanak nang sa gayon ay di kayo sumasabay sa bulto,” pahayag ni Lacuna , kasabay ng panawagan niya sa publiko na maglinis na nang maaga ng mga nitso ng kanilang mahal sa buhay kung saan ang deadline ay sa Oktubre 25.
Sinabi ng alkalde na ang paglilinis ng mga nitso ay ‘di na papayagan kapag lumagpas na ang itinakdang deadline at hindi na rin papayagan ang manatili ng overnight sa mga nasabing sementeryo, gayundin ang mga gamit sa paglilinis ay hindi na rin papayagan sa loob ng mga sementeryo.
Sa kanyang capital report na ginawa sa MNC kasama sina Director Yayay Castaneda at MSC Director chief Jonathan Garzo, pati na rin ang newly-installed Manila Police District na nagpayo sa mga pupunta sa mga sementeryo na huwag magdala ng kanilang alagang hayup pati na rin ng mga karaniwang ipinagbabawal na bagay tulad ng baril , bladed weapons, flammable materials, gambling paraphernalia tulad ng playing cards o bingo sets at loudspeakers o anumang maaaring lumikha ng ingay at makabulahaw sa solemnity ng okasyon.
Idinagdag pa ng alkalde na hindi na papayagang ang lahat ng private vehicles sa loob ng sementeryo simula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Sa kaso ng MNC, ang exception lamang ay sa Oktubre 28 at 29 kung saan inaasahan ang volume ng mga libing. Pero ang mga papayagang sasakyan lamang ay sa pamilya ng namatay.
Gayundin, mayroong e-trikes sa loob ng sementeryo para maghatid sa senior citizens at persons with disabilities.
Pinayuhan din ng alkalde ang publiko na magdala ng sariling pagkain dahil ang mga food stalls ay papayagan lamang sa labas ng sementeryo.
VERLIN RUIZ