NANAWAGAN si presidential frontrunner former Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa mga mamamayan na kwalipikadong magpa-booster shot na magpabakuna na agad matapos na magbabala ang World Health Organization ng posibleng pagtaas ng kaso ng Covid19 matapos ang pagluwag sa health restrictions sa bansa.
Sa isang press conference, sinabi ni Marcos na hindi na dapat hintayin pa ng mga mamamayan na tumaas muli ang kaso sa Pilipinas na kagaya sa mga bansang South Africa at India bago sila tumanggap ng booster shots upang hindi na din mapilitan muli ang pamahalaan na magbaba ng polisiyang makaaapekto ng malaki sa mga manggagawa, sa negosyo at sa publiko.
“Everybody should get the booster shot, everyone who is qualified to have a booster shot should get it already. Bumabalik na naman ang Covid. Huwag na nating hintayin na tumaas na naman ang number ng Covid,” sabi niya.
Binigyang-diin din ni Marcos na ang proteksyong nakukuha sa COVID-19 vaccine ay humihina pagdating ng panahon kaya kailangang magpa-booster.
Nitong Abril 24, mahigit 12.9-milyong Pilipino na ang nakatanggap ng kanilang booster dose habang nasa 37 milyon naman ang hindi pa.
Ngayong buwan lang ay nagbabala si Dr. Rajendra Yadav, acting WHO Representative to the Philippines, na dapat paghandaan ng bansa ang muling pagdami ng kaso ng Covid19 dahil sa mga naganap na social gatherings at social mixing sa pagdiriwang ng Ramadan, Holy Week, at ilang election-related activities.
Sinabi ni Yadav na may tatlong rason kung bakit kailangan ang booster doses.
Una, ang proteksiyong dala ng mga bakuna laban sa mga impeksiyon lalo na sa malubhang karamdaman ay humihina din.Pangalawa, nababawasan din ang proteksiyon laban sa mas nakakahawang variant kalaunan at Pangatlo, may mga grupong hindi nakakakuha ng lubos na proteksiyon mula sa mga kasalukuyang bakuna.
Umapela din si Marcos sa publiko na manatiling maging maingat at patuloy na sumunod sa minimum public health standards upang hindi matuloy ang sinasabing pagtaas ng kaso sa bansa.
“Let me repeat my call to everyone to watch out and be safe again. Alam kong sawang-sawa na tayo na magsuot ng mask, na mag-social distancing, ng lahat. Pero kailangan pa rin nating bantayan na mag-ingat ulit…para malampasan na natin itong pandemya and we can already talk about post-pandemic activities. At itong lahat ng ating napag-usapan na pinaplanong gagawin ay magawa na natin. Ang tawag ko nga diyan ay Jabs to Jobs, we get our jabs para maka-trabaho na,” sabi niya.
Ayon sa WHO, ang patuloy na pagsusuot ng mask at pagpapabakuna ang pinakapanlaban sa Covid19.
Inirekomenda din ng health agency sa national government, local government units (LGUs), at sa mga komunidad na patuloy na hikayatin ang mga hindi pa nababakunahan lalo na ang mga kabilang sa priority group gaya ng mga matatanda at indigents, upang mas dumami ang mga nababakunahan at nakakatanggap ng booster laban sa Covid19.
Samantala, iniulat kamakailan ng Department of Health na ang pagbaba ng 50% sa pagsunod sa minimum public health standards sa National Capital Region ay maaring magdulot ng 25,000 hanggang 60,000 na bagong kaso ng Covid19 cases bawat araw pagdating ng kalagitnaan ng Mayo.
Habang ang pagbaba ng 20% sa pagsunod sa MPHS sa buong bansa ay maaring magdulot ng 34,788 aktibong kaso; ang pagbaba ng 30% ay posibleng magdulot ng lagpas 300,000 sa kaparehong panahon.
Dagdag pa nito, ang pagbaba ng transmission ay may nagpapababa ng posibilidad ng pagkakaroon ng bagong variant habang ang pagpapabakuna at booster ay magdudulot ng malakas na depensa upang maiwasan ang pagkakasakit.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakikita ng DOH na maaring magkaroon ng pagtaas ng kaso ng Covid19 sa 14 lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
Iniulat din ng DOH nito lang Lunes na nakakakita na sila ng kaunting pagtaas ng kaso sa ilang lugar sa NCR ngunit kanilang nilinaw na ang pagtaas na ito ay wala pang epekto sa ngayon.