(Para makabawi sa pagbagsak ng ekonomiya) MGCQ APRUB SA METRO MAYORS

APRUB sa Metro Mayors ang naging rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA) sa Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa paglalagay sa modified general community quarantine ( MGCQ) ang Metro Manila dahil sa kailangan ng makabawi sa malaking epekto sa ekonomiya ang bansa na idinulot ng COVID-19.

Ayon kay Metro Manila Council (MMC) chairman at Paranaque City Mayor Edwin L. Olivarez, nagpulong kagabi ang lahat ng Metro Mayors para determinahin ang opinyon ng nakararami kung handa na hindi lang ang Metro Manila kundi pati na rin ang buong bansa na mailagay sa mas maluwag na quarantine status na MGCQ.

Layong ng naturang pagpupulong na makabuo ang MMC ng isang mapagkakasunduang desisyon sa pagpapababa ng quarantine status na MGCQ sa Metro Manila.

Ani Olivarez, ang pagpapababa ng quarantine status sa buong bansa ay makatarungan lalo pa ngayon na matinding naapektuhan ang ekonomiya ng bansa na nagdudulot ng paghihirap sa mga Filipino at pagtaas ng income loss.

Dagdag pa nito, binalanse naman ng gobyerno ang sitwasyon ng pag-recover ng ekonomiya at kalusugan ng bawat Filipino.

“Hindi po natin dapat tingnan lamang ang kalusugan ng bawat Pilipino at dapat din nating bigyan ng pansin ang pag-recover ng ating ekonomiya lalo pa ngayon na magkakaroon na ng bakuna,”anang chairman ng MMC.

Gayunpaman, kahit pa ibaba ang quarantine status ay kailangan pa rin sundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at face shield gayundin ang pagpapatupad ng physical distancing.

Matatandaan na naglatag ng panukala si acting NEDA chief Karl Chua sa pagpapababa ng quarantine status sa buong bansa sa kanilang televised na pagpupulong kay Pangulong Rodrigo Duterte at ng iba pang opisyal ng gabinete sa Malacañang noong nakaraang Lunes (Pebrero 15).

Sinabi ni Chua na noong nagsimulang ipatupad ang implementasyon ng mga restriksiyon ng COVID-19 noong Marso ng nakaraang taon ay mabilis na bumagsak ang ekonomiya ng bansa dahil nawalan ng pagkakakitaan ang karamihan sa mga middle at lower class na mamamayang Pilipino.

Ayon pa kay Chua, ang pagpapatuloy ng mas mahabang lockdown ay magdudulot lamang ng pagkagutom at paghihirap ng mga mamamayan.

Idinagdag pa ng NEDA acting chief na kung kinakailangan naman ay ipatupad na lamang ng gobyerno ang localized lockdown sa mga barangay o munisipalidad upang mapigil ang muling pagkalat ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.