(Para makamit ang flat COVID-19 curve) ‘BORDER CONTROL’ PAIIGTINGIN SA EXTENDED ECQ

Cascolan

CAMP CRAME- MAKARAANG ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang extended enhanced community quarantine (EECQ) sa Metro Manila, Region 3, Region 4A at iba pang high risk areas sa Region 4B at ilang lalawigan sa Luzon, inaasahang mas paiigtingin pa ang border control o paghihigpit sa mga lagusan papasok at palabas ng isang lugar upang magtagumpay sa layuning flattening ng COVID-19 curve.

Sinabi naman ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration, bago pa man ipairal ang quarantine sa buong mundo bunsod ng tumataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19), bumalangkas na siya ng police operation program  kaugnay sa pagbabantay sa mga checkpoint at mga lagusan papasok at palabas (borders) ng isang lugar.

Sa kaniyang binuong Enhanced Managing Police Operations (EMPO), ilang taon na ang nakalilipas, nakasaad ang pagpapatupad ng border control o mahigpit na pagbabantay sa mga lagusan palabas at papasok ng isang lugar, maging barangay, bayan, lalawigan at rehiyon.

Dahil umiiral ang pandemic inilatag ng Pangulo ECQ na ang katumbas naman ay target hardening para hindi makapasok sa isang lugar ang COVID-19.

“Dito sa COVID-19, dapat i-target harden at kailangang isara ang buong barangay, it is a focal point eh,” ayon kay Cascolan.

Para matiyak na ligtas ang indibidwal sa isang lugar o barangay, kailangang mahigpit ang nakaposteng pulis sa mga border o lagusan na hindi basta makapagpapasok ng hindi naman residente sa naka-quarantine na lugar o barangay .

“Para hindi basta makapasok ang COVID-19,  kailangang isara ang barangay, bayan, province at region at iyan sa ilalim ng EMPO, ang tawag diyan border control,” ayon kay Cascolan.

Bukod sa border control, maaari rin aniyang i-apply ang social investigation para matukoy kung sino ang tinamaan ng sakit, at maihiwalay na ito gayundin kung anong lugar ang may mataas na kaso at kapag hawak na ang data ay maaari nang magbabala na ang isang lugar ay hindi dapat puntahan o dapat nang i-kordon upang hindi kumalat ang sakit.

Sumunod naman aniya ang pagkilos ng admin support para naman sa paglalagay ng warning signs at issuance ng personal protective equipment (PPE), supplies, vitamins, at maging pagkain sa mga frontliner.

Kasunod nito ang community partnership kung saan nakapaloob ang relief operations, pag-ayuda ng pamahalaan sa publiko lalo na sa mga apektado ng pandemic dahil hindi nakapagtrabaho dahil sa umiiral na ECQ.

Samantala, iminungkahi din ni Cascolan na gumawa ng hakbang para sa maayos na deployment of troops upang hindi aniya exhausted pagod ang mga pulis at hindi natitipid sa iba pang resources.               PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.