(Para makapaghanda sa posibleng pagtaas ng demand) SUPPLY NG MEDICAL OXYGEN DAGDAGAN

medical oxygen

PINADARAGDAGAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang supply ng medical oxygen sa bansa para makapaghanda sa posibleng pagtaas ng demand.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, bagaman matutugunan pa ng bansa ang kahingian para sa medical oxygen sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19, mahalagang matiyak na may sapat itong supply sakaling magkaroon ng surge sa demand sa hinaharap.

Ani Lopez, may apat na local medical oxygen suppliers lamang sa bansa na may total capacity na 604 tons per day.

“We have enough capacity. In other words, we still have surplus,” aniya, at idinagdag na may 470 tons ng medical oxygen ang nakokonsumo araw-araw.

Gayunman, sinabi ng  DTI chief na sa sandaling dumoble ang demand, hindi na matutugunan ng local supplies ang market requirements.

“We can already encourage private companies to start expanding,” aniya.

Isang kompanya, ang Cryogenics Gases, ang nakatakdang mag-operate sa Butuan sa second half ng taon, anang kalihim.

Idinagdag pa niya na isa sa mga problema ng mga oxygen manufacturer ay ang pagkukunan ng medical oxygen tanks, na doble ang kapal sa liquefied petroleum gas tank.

Bukod sa medical oxygen sa mga tangke, hinikayat ni Lopez ang pamahalaan at pribadong sektor na simulan na ang pag-angkat ng oxygen concentrators na maaaring maging alternatibo sa  oxygen tanks habang ang bansa ay nagpapalakas ng local supply ng medical oxygen.

“We were discussing with (Department of Science and Technology) Secretary (Fortunato) de la Peña for this one. This is one equipment that can be developed by DOST, then we will need a private sector partner to commercialize the production. This is one of the projects now of DOST,” aniya. PNA

6 thoughts on “(Para makapaghanda sa posibleng pagtaas ng demand) SUPPLY NG MEDICAL OXYGEN DAGDAGAN”

Comments are closed.