PINAALALAHANAN ni Senador Sonny Angara ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tumalima sa mandato nitong magkaloob ng abot-kayang pautang sa overseas Filipino workers (OFWs) ngayong marami sa mga ito ang nagbalik-bansa matapos mawalan ng trabaho sa ibayong dagat dulot ng pandaigdigang pandemya.
Ito ay upang makapagsimula ng panibagong buhay ang repatriated OFWs na karamihan ay sandigan ng kani-kanilang pamilya.
Bilang sponsor ng Republic Act 10801 o ng Overseas Workers Welfare Administration Act na naisabatas noong Mayo 10, 2016, binigyang-diin ni Angara na base sa nilalaman ng Section 35(c) ng batas, inaatasan ang OWWA na magpautang sa mga OWWA member na OFWs sa mababang interes lamang. May kapangyarihan din ang OWWA na kunin ang serbisyo ng mga eksperto sa usapin ng pinansiyal at pagbabangko upang matulungan ang ahensiya sa pagpapatupad ng nasabing loan programs.
Nitong Hunyo 7, 2020, mahigit 50,000 OFWs na ang nagbalik-bansa base sa ulat ng Department of Health.
Ayon naman kay Pangulong Duterte, posibleng umabot pa ang mga mag-uuwian ng mahigit sa 100,000 sa mga darating pang buwan habang nasa kasagsagan ang global pandemic.
“Karamihan sa ating repatriated OFWs, wala nang mababalikang trabaho o kaya naman tiyak na mahihirapan nang maghanap ng pani-bagong trabaho dahil sa kasalukuyan nating sitwasyon. Dahil sa trahedyang ito, napakaraming kompanya ang nagsara hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng globa. At ito ang naging dahilan upang maraming mga empleyado at manggagawa ang nawalan ng trabaho,” ani Angara.
Giit ng senador, kailangang matulungan ang mga OFW na ito upang makahanap ng alternatibong pagkakakitaan dahil sila lamang ang inaasahan ng kani-kanilang pamilya. Makatutulong aniya ang low-interest loan ng OWWA na maaaring magamit ng OFWs para makapagsimula rito ng maliit na negosyo.
Gayunman, dahil sa dagsang pagdating ng OFWs, maaaring maharap ang OWWA sa iba’t ibang problema sa pagpapatupad ng kanilang loan program.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na dinaluhan ng senador, hiniling nito sa pamunuan ng OWWA sa pangunguna ni Administrator Hans Leo Cacdac na i-update ang komite kaugnay sa kung paano ipina-tutupad ng ahensiya ang OWWA charter na kinapapalooban ng loan program para sa member OFWs.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Cacdac na nakipag-ugnayan na ang kanyang ahensiya sa Landbank of the Philippines upang magkaloob ng loan window para sa OFWs.
Sinabi pa ng opisyal na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 1,500 OFWs ang nakapag-avail ng loan sa LandBank at tinatayang P1 bilyon na ang naipautang sa mga ito.
Karamihan sa OFWs ay nakapag-loan ng mula P300,000-P500,000 at ang iba ay nakapag-loan ng hanggang P2 milyon mula sa LandBank.
Ang per annum interest rate sa mga naturang loans mula sa LandBank ay aabot sa 7.5 percent na kahalintulad ng commercial rates at hindi ibinase sa nilalaman ng batas na nag-aatas na patawan lamang ang mga ito ng mababang patubo.
Nilinaw naman ni Cacdac na naisangguni na nila ang usaping ito sa LandBank at umaasa silang magkaroon ng kasagutan ito sa muli nilang pag-uusap. VICKY CERVALES
Comments are closed.