IPINAGAGAMIT na ni Senadora Imee Marcos ang humigit kumulang sa P37 bilyon na rice subsidy program ng ilang ahensya ng pamahalaan para makatulong sa naghihirap na mga magsasaka sa bansa.
Sa Senate Joint Resolution No. 4, hinihikayat ni Marcos ang Department of Social,Welfare and Development (DWSD), Department of National Defense (DND), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makipag-ugnayan sa National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA) para bilhin ang mga nakaimbak na palay ng mga local farmer mula sa pondo ng rice subsidy program ng mga nasabing ahensiya.
Bunsod nito, iginiit ng senadora na mas makabubuting gastusin ang P33.9 bilyong rice subsidy ng DSWD para sa mga beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program(4Ps).
Gayundin ang paggamit ng P2.89 bilyon na rice allocations ng mga military at police uniformed personnel, kabilang na ang BJMP, PCG at Bureau of Fire Protection.
Ayon kay Marcos, dapat tulungan ang halos dalawang milyong magsasaka na patuloy na umaaray dahil sa pagbagsak ng farm gate price ng palay matapos bumaha ang halos apat na milyong sako ng imported rice.
“Dapat ngayon ang presyo ng palay ay mataas na at mamili na ang NFA dahil ang fear natin na matambakan tayo ng lokal na bigas habang papasok na ang anihan (harvest season) next week, yari tayo,” pangamba ng senadora.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni DA Secretary William Dar sa NFA na ibenta na sa palengke ng Metro Manila at iba pang lungsod ang 3.6 milyong sako ng imported rice na nakaimbak sa warehouses.
Sinabi pa ni Dar na bibilhin ng NFA ang mga palay sa halagang 17-19 pesos per kilo kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte. VICKY CERVALES
Comments are closed.