UPANG makontrol at maging matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin, dapat ay awatin ang pagsipa ng inflation.
Ang inflation ay sukat kung gaano kabilis ang galaw ng presyo ng mga bilihin.
Dahil sa mga ginagawang hakbang ng ating economic manager napipigilan ang banta ng pagsirit ng inflation rate.
Habang kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na ang paglakas ng sektor ng enerhiya gayundin ng transportasyon ang daan para mapanatiling matatag ang inflation sa bansa.
Ito ay matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbagal ng inflation rate ng bansa sa 3.7% nitong Hunyo mula sa 3.9% noong Mayo.
Ayon sa NEDA, malaking bagay ang pagbaba ng singilin sa koryente gayundin sunod-sunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo noong Hunyo.
Naging daan anila ito para bumaba ang presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo.
Sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, nananatili silang committed na maabot ang 3% hanggang 4% na target inflation rate kung patuloy na bababa ang singil sa koryente at ang oil price rollback.