(Para makumpiska ang mga ari-arian ng payroll scammer) PSC NAGPASAKLOLO SA OSG

William Ramirez

SA KANYANG pagbabalik mula sa isang buwang bakasyon upang alagaan ang kanyang may sakit na maybahay, agad na sumabak sa trabaho si Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez kung saan sumulat siya sa Office of the Solicitor General (OSG) upang hingin ang tulong nito sa kaso ng ahensiya laban sa isa sa staff nito na nasa likod ng payroll scam.

“We need all the help we can get to get to the bottom of this and make every effort that nothing of this sort ever happens again,” paliwanag ni Ramirez, na pinulong din ang board ng sports agency upang talakayin ang naturang bagay at ang iba na kaila­ngang desisyunan ng board.

Sa kanyang liham sa OSG, hiniling ni Ramirez ang tulong nito sa pagsasagawa ng tamang proceedings kaugnay sa reklamong isinampa laban kay Paul Michael Ignacio, kabilang ang pagkumpiska sa lahat ng real o personal property nito.

Noon lamang nakaraang linggo, si Ignacio ay inaresto ng mga agent ng National Bureau of Investigation (NBI) alinsunod sa kahilingan ni  PSC Executive Director Merlita Ibay makaraang matuklasan ang payroll padding na isinagawa ni Ignacio.

“The board is 100% with the Chairman on this,” sabi ni Commissioner Ramon Fernandez na umaktong Officer in Charge nang mabunyag ang anomalya.

Si Atty. Guillermo Iroy, Jr., Deputy Executive Director for Support, ang itinalaga na pamunuan ang legal team sa pagsasampa ng kaso.

Sa parehong board meeting ay inaprubahan din ang pagkakaroon ng proseso at organizational auditors upang tulungan ang ahensiya sa misyon nito na palakasin ang lahat ng bureaus.

“We need fresh eyes to take a look at our processes and seek out areas that need to be strengthened,” paliwanag ni Ramirez.

Muling magsasagawa ng online meeting ang board at ang audit team sa Miyerkoles.

Comments are closed.