NANAWAGAN si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga mambabatas na ibalik ang regulatory powers ng National Food Authority (NFA) upang mapababa ang presyo ng bigas.
Ang panawagan ay ginawa ng DA chief, ilang araw matapos ipaliwanag ni NFA Administrator Larry Lacson na kaya nitong makapagbenta ng P38 kada kilo lamang ng bigas na direkta nitong mabibili sa mga magsasaka.
Ayon sa isang pahayag ni Lacson sa isang panayam sa radyo kamakailan, bukod sa makatutulong sa mga consumer ang murang bigas mula sa NFA, makabubuti rin ito sa mga magsasaka dahil mas makabibili pa sila ng maraming ani sa mga ito sa oras na mabakante ang mga warehouse ng buffer stocks.
Samantala, sa kanyang pagharap sa Murang Pagkain Super Committee sa House of Representatives noong Miyerkoles ay iginiit ni Tiu Laurel na kapag ibinalik sa NFA ang kapangyarihag ibenta nang direkta sa publiko ang mga bigas nito ay mapipilitang magbaba ng presyo ang mga trader, lalo na ang mga nagsasamantala sa pagbebenta nito at mapoprotektahan ang interes ng publiko.
“Since the passage of the Rice Tariffication Law (RTL) in 2019, the NFA’s role has been significantly curtailed. The law removed its authority to import rice and sell it directly to the public, restricting the agency to procuring palay from local farmers and solely for buffer stocking. The Department of Agriculture has sought amendments to the RTL, including the restoration of NFA’s market intervention powers, but these proposals have yet to be approved,” sabi ng DA sa isang statement.
“I believe if we want to control the situation, it is better to restore all the powers of the NFA. It just has to be managed by honest people…This will provide a long-term solution to the problem,” ani Tiu Laurel.
Binigyang-diin ni Tiu Laurel na ang 6 milyong bags na buffer stocks ng NFA na maaaring ibenta sa mga pamilihan ay makapagpapababa ng nananatiling mataas na presyo ng bigas sa merkado.
Aniya, nagkakaroon ng pagkakataon ang ibang traders na imanipula ang presyo ng bigas dahil sa kawalan ng kapangyarihan ng NFA na i-regulate ang presyo nito sa merkado.
”Without the NFA’s ability to regulate prices, certain groups have been able to manipulate the cost of rice, exacerbating the impact on consumers…..If the NFA’s power to intervene is restored, the Department of Agriculture would be more effective in curbing the influence of abusive rice traders. Right now, we are fighting with one hand tied behind our back,” ayon kay Tiu Laurel.
Bago ang 2019, ang NFA ay may kapangyarihan na magbigay ng lisensiya sa rice traders at mag- inspeksiyon ng warehouses ng mga ito upang matukoy kung sapat pa ang kanilang suplay ng bigas.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Lacson na sa inamyendahang Rice Tariffication Law (RTL) ay hindi nabigyan ng mandato ang NFA na magbenta sa merkado.
“Same pa rin ang role ng NFA sa papipirmahang batas ng Presidente. .9 days buffer stocks tayo ngayon. Dun sa panukalang batas na for signature, naging 15 days. Itinaas lang ang buffer stock. Hindi vineto ng president kasi mas nangibabaw ang posisyon ng Senado. Ang version ng Senado huwag ibalik sa NFA ‘yung pag-intervene. Basically, ang version kasi ng Senado patungkol sa NFA , NFA will just be as is, a buffer stocking agency,” sabi ni Lacson. Hindi rin, aniya, nangibabaw ang bersiyon ng lower house na magbabalik sana sa ilang kapangyarihan ng NFA.
“Sa lower house kasi talagang ibinibigay muli ang mag-intervene tayo sa market. Dahil na rin po sa mga obvious na mga problemang kinakaharap natin na ayaw bumaba ang bigas. Sa NFA kasi, kahit sa ngayon, baka mayroon pang option , dun man lang sa RTL, sa iba pang pamamaraan. Probably via Executive Order na puwedeng mabigyan muli ng pagkakataon ang NFA na maka-pagrelease sa market.”
Ma.Luisa Macabuhay-Garcia