DAPAT pagsikapan ng National Power Corporation (NPC) na bawasan ang universal charge for missionary electrification (UCME) subsidy para mapababa ang singil sa koryente ng mga konsyumer na konektado sa main transmission grid, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Ginagamit ang UCME para ma-subsidize ang mas mahal na halaga ng pagbibigay ng koryente sa mga off-grid na lugar o yaong hindi konektado sa grid.
Pero ang nakababahala, ayon sa vice-chair ng Senate Committee on Energy, ay ang patuloy na pagtaas ng UCME subsidy sa mga nakaraang taon — P7.34 bilyon noong 2015 hanggang P24.62 bilyon nitong 2024.
“Maghanap ng ibang mga paraan para mabawasan ang UCME. Isa na rito ang hybridization at isa rin ang pagkonekta sa main grid,” sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng NPC sa nagdaang pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng NPC. Ang NPC ay inatasan ng batas na magbigay ng koryente sa malalayong lugar, off-grid areas, at mga isla sa bansa.
Sa kasalukuyan, isinusulong ng NPC na pabilisin ang hybridization ng Small Power Utilities Group (SPUG) ng mga diesel power plant nito gamit ang renewable energy resources. Ang hybridization ay ang kombinasyon ng iba’t ibang sources of energy.
Ayon sa NPC, pinabababa ng hybridization ang halaga ng enerhiya ng 2 hanggang 3 piso kada kilowatt hour. Sabi pa ng NPC, sa pagtatapos ng hybridization para sa 16 na proyekto, inaasahan nito na makalikom ng hanggang P1.3 bilyon na savings mula sa gastos sa gasolina pagdating ng 2025. Gayunpaman, 30% lamang ang suplay na nanggagaling sa NPC para sa tinatawag na missionary areas o mga liblib at malalayong lugar. Samantala, 70% ng suplay ay nanggagaling sa new power providers (NPP).
“Paano natin kukumbinsihin ang mga NPP na sumailalim na rin sa hybridization? Naiintindihan ko na mayroon silang mga kontrata sa suplay kaya pag-isipan natin ang posibilidad ng pagbibigay ng insentibo para mahikayat sila, kung kinakailangan na mag-hybridize. Ang UCME subsidy ay patuloy na tumataas,” ayon sa senador. Kasabay nito, hinimok ni Gatchalian ang NPC na ituloy ang rationalization study ng UCME na isinagawa ng DOE.
Ayon sa DOE, nasa 60% ng UCME subsidy ang mga isla ng Palawan at Mindoro.
“Kumpiyansa ako na balang araw, ang benepisyo ng hybridization at rationalization ng UCME ay magreresulta sa mas mababang subsidy,” dagdag niya. LIZA SORIANO