(Para mapabagal ang inflation)INTEREST RATES ITINAAS SA 5%

ITINAAS ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rates sa 5% upang pantayan ang naunang adjustment ng US Federal Reserve at mapabagal ang inflation.

“At its meeting on monetary policy today, the Monetary Board decided to raise the interest rate on the BSP’s overnight reverse repurchase facility by 75 basis points to 5%, effective tomorrow,“ pahayag ni BSP Governor Felipe Medalla sa isang virtual briefing kahapon.

Ang latest policy rate hike ay kasunod ng 50 basis points na pagtataas noong September, 50 basis points noong August, 75 basis points sa isang off-cycle hike noong July, at tig-25 basis points noong June at May.

Ang pagtataas sa interest rates ay nakaaapekto sa pangungutang ng mga consumer dahil ang rates ng BSP ay nagsisilbing benchmark ng mga bangko at lending companies para sa kanilang loan, credit card, at deposit rates.

Nangangahugan ito na ang mga Pinoy na nagnanais na mangutang para magkaroon ng sariling kotse, bahay o business capital ay magbabayad ng mas mataas na interes.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang inflation noong October ay sumipa sa 7.7%, ang pinakamataas sa loob ng 14 taon.