HINIKAYAT ni Senadora Imee Marcos ang pamahalaan na maghanap ng pangmatagalang solusyon sa sumisirit na presyo ng petrolyo sa buong mundo, gaya ng pagdaragdag ng reserbang langis ng bansa.
Ayon kay Marcos, ito’y sa harap ng limitadong fuel subsidy sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan, mga magsasaka at mga mangingisda.
“Maaaring lalo pang sumirit ang presyo ng langis at malampasan pa ang itinaas nito sa presyo sa nagdaang pitong linggo. Hanggang kailan naman tatagal ang mga fuèl subsidy? ” tanong ni Marcos.
Mula noong kalagitnaan ng Nobyembre, ang tatlong buwang ‘average’ na presyo ng krudo sa Dubai ay pumalo sa $79.83 kada bariles na kapos na lang ng 17 sentimos para umabot sa $80 na lebel, na hudyat naman para ilabas ang fuel subsidy sa mga drayber ng jeep at mga delivery driver alinsunod sa Pantawid Pasada Program sa ilalim ng 2022 national budget.
May P500 milyon naman na nakalaan sa Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka at mangingisda.
“Tinatayang manunumbalik ang pagnenegosyo sa pre-pandemic na lebel sa huling bahagi ng taon, pero posibleng ‘di kayanin ng supply ng langis sa buong mundo ang mas mataas na pangangailangan ng gasolina,” ani Marcos.
“Babawi muna kasi sa pagkalugi na dulot ng pandémya ang mga bansang nagsu-supply ng langis bago nila taasan o damihan ang kanilang produksiyon,” paliwanag ni Marcos.
“Bukod dito, may banta pang giyera ang Russia at Ukraine. Kapag napatawan ng parusa ang Russia sa ini-export nilang langis, mababawasan ang supply sa mundo at sisirit ang presyo ng langis sa Middle East na pinagkukunan natin ng supply, ” dagdag pa ni Marcos.
Sa harap nito, sinabi ng senadora na handa syang maghain ng panukalang batas para mapataas ang reserbang langis ng bansa.
Gayunman, dismayado si Marcos sa mabagal na usad ng pag-aaral para maikasa ang ‘Strategic Petroleum Reserve’ ng bansa.
“Nasayang na ang ating pagkakataon noong 2020 para makabili ng langis sa mababang presyo nang mag-lockdown at bumagal ang pangangailangan sa supply ng langis. Kaya kailangan maging maagap na tayo sa pagpaplano at ‘wag magpatumpik-tumpik sa pag-aksyon, ” dagdag ni Marcos.VICKY CERVALES