PARA MAPAGHANDAAN ANG IN-PERSON CLASSES, DAGDAG-PONDO SA DEPED, SUCs KAILANGAN

NOONG Nobyembre 15 ay nagsimula nang magpatupad ng face-to-face classes ang mahigit 100 paaralan sa mga piling lugar sa bansa at sakaling magtuloy-tuloy ang pagbaba ng mga kaso ng COVID sa mga darating na buwan, posibleng dumami pa ang bilang ng mga ito.

Ito ang isinaalang-alang natin sa pagsusulong ng ating komite, ang Senate Committee on Finance, sa panukala nating dagdagan ang pondo ng Department of Education (DepEd), gayundin ng State Universities and Colleges (SUCs) sa ilalim ng 2022 national budget.

Sa kasalukuyan, 100 public schools at 20 private schools ang pinayagan ng gobyerno na makalahok sa pilot run ng face-to-face classes dahil sa napakababang kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang lugar. Ang ilan pa nga sa mga ito, walang naitala o wala nang naitatalang bilang ng COVID cases.

Isinusulong po natin ang dagdag-pondo para sa sektor ng edukasyon para makapaghanda sila sakaling madagdagan pa ang mga paaralang magbubukas sa susunod na taon.

Marami kasing dapat isaalang-alang sakaling tuloy-tuloy ang pagdami ng mga eskwelahang sasabak sa face-to-face o sa regular classes.

Unang-una na riyan ang sapat na kakayahan ng paaralan na mapangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng mga estudyante at ng mga guro.

Ganito rin ang gusto natin para sa 116 SUCs natin na kinabibilangan ng University of the Philippines System. Panukala rin nating bigyan sila ng augmentation funds para sa maayos na preparasyon sa pagpapatupad ng regular classes.

Ito pong mga dagdag na pondong ito, maaaring magamit ng DepEd at ng mga school administrator para sa pagre-retrofit ng classrooms at pagsasaayos ng iba’t iba pa nilang pasilidad tulad ng school laboratories.

Puwede ring gamitin nila iyan para sa COVID testing ng school faculty members at iba pang staff para siguradong protektado at monitored ang kalusugan ng lahat lalo na nga ng mga mag-aaral.

Magagamit din nila ito para sa pagbili ng mga dagdag na gamit na nauukol sa implementasyon ng safety at health protocols at para makasunod sa mga ipinatutupad ng health standards.

Kaya laking pasalamat din natin kina Senator Pia Cayetano na vice chairman natin sa komite, pati na rin kina Sens. Joel Villanueva and Sherwin Gatchalian dahil sa pagdinig nila ng education budget sa kani-kanilang finance subcommittee, talagang isinulong nila ang pagpapataas ng pondo para sa edukasyon.

At dahil batid natin kung ano ang kinasapitan ng mga mga pamilyang labis na naapektuhan ng krisis dulot ng pandemya, mayroon din tayong ginawang aksiyon para rito. Marami kasi sa mga pamilyang ito ang nawalan ng pagkakakitaan dahil sa mga nawalang trabaho kaya sila ang isa mga prayoridad nating tulungan sa usaping pang-edukasyon.

Naglaan po ang ating komite ng pondo para sa Private Senior High School Voucher program sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013, pati na rin sa Educatin Service Contracting Program para sa mga junior high school sa mga pribadong paaralan.

Inirekomenda rin natin ang paglalaan ng karagdagang pondo para sa Special Education Program ng DepEd bilang tulong sa mga estudyanteng may kapansanan.

Dagdag pondo rin ang proposisyon ng ating komite para sa Last Mile Schools Program para masuportahan ang konstruksiyon ng marami pang paaralan, tech-voc laboratories, water and sanitation facilities at ang instalasyon ng solar panels sa malalayong lugar.

Ang gusto nating mangyari rito, ‘yung matupad ng mga kabataan ang pangarap nilang makapagtapos ng pag-aaral anuman ang mga dumating na pagsubok sa buhay. Ayaw nating may maiiwang bata – dapat ang edukasyon, para sa lahat – para sa lahat ng may pangarap at para sa lahat ng dapat iangat mula sa kahirrapan.

Napakasakit para sa isang magulang na patigilin ang kanilang anak dahil sa matinding epekto sa kanila ng krisis na ito, pero narito po ang inyong pamahalaan, ang inyong mga lingkod bayan para tumulong at tulungang tuparin ang pangarap ninyo at ng inyong mga anak.