(Para mapaigting ang transparency)PERA SA BANGKO NG GOV’T EXECS PINASISILIP

SALN

IPINANUKALA sa Kamara na obligahin na rin ang public officials at employees na ipasilip ang kanilang bank deposits.

Sa House Bill 1220 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan, inaamyendahan ang Section 8 o Statements and Disclosure ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Kapag naisabatas ang panukala ay oobligahin na ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na magbigay ng ‘written permission’ sa Office of the Ombudsman para silipin ang kanilang mga pera sa bangko.

Kasabay ito ng pagsusumite sa Ombudsman ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Nakasaad sa panukala na ang pagpapasilip sa kanilang bank deposits ay dagdag na ‘exception’ sa Republic Act 1405 o Bank Secrecy Law.

Layunin ng panukala na mapaigting ang transparency at anti-corruption mechanism ng pamahalaan, gayundin ang pagtugon ng mga taga-gobyerno sa ‘highest ethical standards’.

Sinabi sa panukala na sa kabila ng mga hakbang tungo sa malinis na pamahalaan ay may ilan pa ring mga opisyal ang nakakahanap ng paraan na maitago at hindi ideklara ang kani­lang mga kita o pera.