(Para mapalakas ang turismo) TRAVEL TAX SUSPENDIHIN

kamara

PINASUSUSPINDE ng Air Carrier Association of the Philippines (ACAP) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang travel tax upang muling mapasigla ang turismo sa bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Atty. Robert Lim ng ACAP na dapat ding magpatupad ng three-day holiday kung saan kapag may holiday sa isang linggo, dapat itong ilipat sa araw ng Lunes o Biyernes.

Reklamo ng ACAP, malaki na ang negatibong epekto ng coronavirus disease o CO­VID-19 sa turismo ng bansa dahil halos 28 flights sa China at sa mga special administrative region ang kanselado kada Linggo o mahigit 2,000 na flights o 293 na pasahero na ang apektado mula Pebrero hanggang Marso.

Aabot naman sa $10 billion ang nawawalang kita sa mga airline.

Inihirit din ng ACAP na i-exempt sa 14-day quarantine ang mga airline crew dahil nababawasan na ang mga tauhan ng mga airline.

Paliwanag ni Lim, pi­naigting pa ng airline companies ang kanilang disinfection protocol para matiyak na protektado ang mga pasahero at mga crew sa COVID-19.

Mahigpit din, aniya, ang screening sa mga pasahero kung saan may hepa filter sa airlines at sa eroplano na ginagamit sa pag-screen at pag-purify sa hangin na efficient na pumapatay ng 99.9%  na bacteria.

Subalit nagdadalawang-isip naman ang Department of Health (DOH) sa hiling na alisin sa 14-day quarantine ang mga airline crew dahil hindi pa naman agad lumalabas ang sintomas ng isang taong nahawaan na ng COVID-19. CONDE BATAC