IPINATITIGIL na ni Senador Win Gatchalian ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) para mapanatili ang peace and order, gayundin ang economic growth ng bansa.
Ang panawagan ay ginawa ni Garchalian sa Chairman’s Report na inilabas ng Senate Committee on Ways and Means matapos ang mga isinagawang pagdinig sa socio-economic benefits na makukuha kung mananatilli ang operasyon ng POGOs sa bansa kasunod ng mga ulat ng krimen na may kaugnayan dito.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian bilang chairman ng komite, “the adoption of a resolution urging the executive department to immediately ban all POGO operations in the country with the end in view of upholding the safety of the Filipino people, and to sustain the path to growth and development consistent with the administration’s economic reforms.”
Kaugnay rin nito, nanawagan si Gatchalian sa Kongreso na magpasa ng batas para sa paghihiwalay ng functions ng regulasyon at operasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation’s (PAGCOR) charter.
Aniya, ang lilikhaing bagong entity ay nakatuon lamang sa regulatory functions, authorization, and licensing of games of chance at ang iba pang uri ng gambling samantalang ang PAGCOR ay mananatiling gambling operator.
Hiniling din niya sa labor department na maghanap ng alternatibong trabaho para mga Pinoy na nagtatrabaho sa POGO.
Nakasaad din sa report ng komite na singilin na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang hindi pa nakokolektang buwis sa PAGCOR’s third-party auditor, POGO licensees at kanilang service providers na maaaring gamitin sa priority development projects ng pamahalaan.
Inatasan din ni Gatchalian ang Bureau of Immigration (BI) na kanselahin at i-revoke ang working visas na inisyu sa POGO foreign nationals, gayundin ang pagpapatupad ng deportation sa mga dayuhang nagtatrabaho sa POGOs alinsunod sa immigration rules and regulations.
“Kung susumahin ang lahat ng mga ebidensya at datos na isiniwalat na kaugnay sa operasyon ng POGO, lumalabas na puro perwisyo lamang at walang pakinabang sa bansa ang mga POGO. Panahon na para buwagin ito,” giit ng senador.
VICKY CERVALES