IMPOSIBLENG maipatupad at mapanatili ang physical distancing sa mga batang mag-aaral sa loob ng mga silid-aralan.
Ito ang inamin ng Department of Health (DOH) kasunod nang nakatakdang pagbubukas ng klase sa ika-22 ng Agosto.
Dahil dito, pinaalalahanan ni DOH Officer In Charge Maria Rosario Vergeire ang mga estudyante na sundin ang mga ipinatutupad na health protocols sa mga paaralan.
Maliban dito, hinimok din ni Vergeire ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.
Giit pa ni Vergeire na dapat bakunado ang lahat ng guro at non-teaching personnel na haharap at makikipag-interact sa mga bata.
Samantala, muling hinikayat ng health official ang education department na maglagay ng safety officers para masiguro na nasusunod ang mga health and safety protocols gaya ng pagsusuot ng facemask, pag-sanitize ng alcohol at pagsuri sa temperature sa mga paaralan.