MAY itinalagang 13 Local Testing Centers sa buong bansa para sa mga aspiring lawyer o naghahangad na maging abogado kapag kumuha sila ng 2024 Bar Exams.
Anim dito ay nasa Metro Manila, dalawa sa ibang lugar sa Luzon, tatlo sa Visayas at dalawa sa Mindanao.
Ito ay upang ang mga nasa probinsya ay hindi na kailangang maglakbay nang napakalayo para sa pagsusulit.
“The social and economic benefits of providing regional sites for the examinations cannot be overemphasized. This innovation reduced the logistical, financial, and emotional burdens of bar candidates from the provinces” pahayag ni Supreme Court Associate Justice Mario Lopez, 2024 Bar chair sa Bar Bulletin No. 3-B.
Ang Bar Exams ay gaganapin sa Setyembre 8, 11 at 15.
Narito ang mga testing center:
NATIONAL CAPITAL REGION
- Unibersidad ng Pilipinas-Diliman sa Quezon City
- Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila
- Unibersidad ng San Beda sa Maynila
- Manila Adventist College sa Pasay
- Unibersidad ng Pilipinas-Bonifacio Global City sa Taguig
- San Beda College-Alabang sa Muntinlupa
LUZON
- Saint Louis University sa Baguio City
- Unibersidad ng Nueva Caceres sa Naga City
VISAYAS
- Unibersidad ng San Jose-Recoletos sa Cebu City
- Central Philippine University sa Iloilo City
- Orestes Romualdez Educational Foundation sa Tacloban City
MINDANAO
- Xavier University sa Cagayan de Oro City
- Ateneo de Davao University sa Davao City
Sinabi ni Lopez na sa mga pagtatalaga ng venue, isinasaalang-alang ng Korte Suprema ang kagustuhan ng mga examinees sa mga LTC depende sa pagkakaroon ng mga slot.
Pinayuhan niya ang mga ito na suriin ang kanilang mga nakatalagang LTC sa Bar Applicant Registration System and Tech Assistance (BARISTA).
RUBEN FUENTES