(Para sa 2025 polls) WALANG BASTOS, FAKE NEWS NA POSTS – COMELEC

Ang Commission on Elections (COMELEC) noong Lunes, Okt. 21 ay lumagda ng isang kasunduan ng suporta kasama ang mga social media at tech giants na Meta, Tiktok, at Google kaugnay sa 2025 midterm elections.

“Walang bastos, double meaning or fake news… no political advertisements or posts tungkol sa awa­yan, kaguluhan or hidwaan.”

Ito ang mga bagay na dapat iwasan ng mga kandidato at kanilang mga tagasuporta sa pagpapaskil sa social media ayon kay Commission on Elections (Comelec) chair George Erwin Garcia.

Babala ni Chairman Garcia, maaring mawala ang kanilang mga account kung makikita ang mga mapanirang post sa social media  na may kaugnayan sa nalalapit na 2025 elections, partikular sa pagpo- promote ng ilang kandidato o political issues.

Inihayag pa ni  Garcia sa second year anniversary ng  Manila City Hall Reporters’ Association’s “MACHRA Balitaan sa Harbor View: the Comelec will not act directly on posts that contain indecency, fake news or disinformation and the like, as this may be taken as a violation of free speech.”

Subalit sa kasunduan na nabuo sa pagitan ng COMELEC,  Meta, Google at Tiktok ay binibigyang kapangyarihan ang mga nabangit na social media platforms na alisin ang mga naka -post na sa tingin nila ay lumalabag sa kanilang napagkasunduan.

“Pupuwede sila (social media platforms) magtanggal, wala kaming magagawa… dun sila magrereklamo sa platform concerned,” ani Garcia.

Nagkasundo rin ang COMELEC at mga social media platform na alisin ang mga mga accounts ng  unregistered candidates.

Nanawagan si Garcia sa mga kandidato na iparehistro ang kanilang mga social media accounts sa poll body hanggang  December 13, 2024, sabay sabing “wala naman pong limit kahit ilan basta’t naka-rehistro sa amin. Otherwise, puwede po naming ipatanggal ang lahat ng posts na andiyan lalo pa’t ang purpose ay ikampanya ang isang kandidato.”

“Hinding-hindi po namin pakikialaman ‘yung content ng nakalagay sa posts dahil pag pinakialaman namin ‘yan lalabas na violation yan ng freedom of expresssion at freedom of speech,”dagdag pa ni Garcia.

Sinabi pa ng Comelec chair na ang nasabing patakaran  ay pagsubok na maaaring  magsisilbing alituntunin o gabay hinggil sa paggamit ng social media bilang paghahanda sa 2028 Presidential and Vice Presidential elections.

VERLIN RUIZ