(Para sa A1, A2 at A3) 2nd BOOSTER SINIMULAN NA

INANUNSYO ng pamahalaang lungsod ng Maynila na sinimulan na ng Manila Health Department (MHD) ang pagbibigay ng second booster shots para sa healthcare workers (A1), senior citizens (A2) at immunocompromised (A3).

Mula sa ulat ni MHD chief Dr. Arnold Pangan, sinabi ng punong lungsod na nagsimula na sila noong Huwebes kung saan may 1,625 katao ang nakatanggap na ng kanilang second booster shots ng COVID-19 vaccines sa unang araw pa lamang.

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na ang pagbibigay ng second booster ay ginagawa sa six public hospitals sa six districts ng Maynila na kinabibilangan ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila, at Sta. Ana Hospital.

Ang iba pang vaccination sites ay apat na shopping malls na kinabibilangan ng Robinsons Place Manila, SM City San Lazaro, SM City Manila, at Lucky Chinatown Mall.

Inulat din ni Pangan na nagsasagawa rin ang MHD ng pagbibigay ng second booster shots sa 44 health centers na nasa six districts ng Maynila, gayundin ng home vaccinations.

Kabilang sa mga immunocompromised ay ang mga sumusunod na indibidwal: Immunodeficiency State, HIV, Active Cancer or Malignancy, Transplant Recipients, Undergoing Steroid Treatment, patients with poor prognosis/bedridden patients, at iba pang kundisyon na sertipikado na immunodeficiency ng doktor.

Para sa kategoryang A1 (healthcare workers) at A2 (senior citizens) ang ginamit na COVID-19 vaccine brands ay Pfizer at Moderna.

Para sa A3 category (immunocompromised persons), lahat ng COVID-19 vaccine brands na available ay ginamit depende kung sila ay homologous o heterologous vaccines.

Ang pagitan para sa A1 at A2 categories ay apat na buwan matapos na maibigay ang unang booster shot habang ang immunocompromised naman ay tatlong buwan ang pagitan matapos ang first booster shot.

Pinapayuhan ng MHD ang lahat na nagpaplano na magpaturok ng kanilang booster shots sa Maynila na kabilang sa nabanggit na kategorya na dalhin ang mga sumusunod na dokumento: Vaccination ID na nagpapakita ng dalawang bakuna at isang booster; Valid ID at Medical Certificate para sa Immunocompromised.

Hinihikayat ng MHD ang publiko na magpunta na sa pinakamalapit na vaccination sa kanilang tirahan at magpaturok na ng second booster. VERLIN RUIZ