BINUO na National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Task Force Site NCR na siyang pangunahing magbabantay sa araw ng inagurasyon ni Incoming President Ferdinand Marcos Jr.
Bukod sa mga security measures na inihanda ng Philippine National Police (PNP) na naka-template sa NCRPO, may mga dagdag tungkukin din ang pulis sa pamamagitan ng TF Site pangunguna naman ni Maj. Gen. Felipe Natividad.
Sinabi ni NCRPO Spokesperson Lt. Col. Jenny Tecson, kasama sa misyon ng TF Site ay ang suportahan ang Presidential Security Group (PSG) na direktang magbibigay ng seguridad kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay BBM gayundin sa local at foreign dignitaries na dadalo sa inagurasyon sa Hunyo 30 sa National Museum sa Maynila.
“Nag activate tayo ng Task Group Site NCR na pangungunahan ito ng ating regional director Maj. Gen. Natividad bilang commander ng task group at isa po sa ating misyon dito sa ating NCR TG Site NCR ay supportahan ‘yung ating PSG sa pagpo-provide ng security or protection dito sa ating newly elected president ganundin sa ating outgoing President, sa mga miyembro po ng kanilang pamilya at ganundin sa mga local at foreign dignitaries na mag-aatend sa activity sa June 30, ” ani Tecson.
Pinaalalahanan naman ng PNP ang mga dadalo na sumunod pa rin sa health protocols dahil nananatili pa rin ang COVID-19 pandemic.
Una nang sinabi ni PNP Directorate for Operations, Maj. Gen. Valeriano De Leon na mahigpit ang kanilang gagawing pagbabantay habang hindi papayagan ang mga naka-backpack.
Posible rin ipakalat ang police intel sa paligid upang hindi makalusot ang gagawa ng masama.
EUNICE CELARIO