(Para sa biglang pagbaha, pag-ulan at paglindol) AUTOMATIC CLASS SUSPENSION GUIDELINES INILABAS

PARA maalis ang kalituhan sa mga mag-aaral, magulang, at akademya sa panahon ng bagyo, malakas na pag-ulan, baha, at lindol, ang Valenzuela City Council sa pamumuno ni Mayor WES Gatchalian ay naglabas ng opisyal na alituntunin sa suspension ng mga klase sa Valenzuela City.

Alinsunod sa Ordinansa Blg. 1052, series of 2022 na pinamagatang “An Ordinance Prescribing the Guidelines on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Schools and Colleges in the Event of Disasters and Other Natural Calamities in the City of Valenzuela”, na isinulat ni Vice-Mayor Lorie Natividad-Borja, Councilors Gerald Galang, Ricarr Enriquez, Niña Lopez, at Jonjon Bartolome.

Kamakailan ay sinalanta ng Bagyong Karding ang ilang rehiyon sa bansa na umabot sa signal No. 5 sa ilang lugar, kabilang ang Valenzuela City na signal No. 4 kaya kaagad ipinatupad ng Pamahalaang

Lungsod ng Valenzuela ang pagsuspinde ng mga klase sa ilang antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

Sa ilalim ng Ordinansa, kapag ang Bagyo na may Tropical Cyclone Warning Signals (TCWS) No. 1 hanggang 5, ulan na nasa yellow, orange, at red rainfall advisory, flood warnings at lindol na may PHIVOLCS Earthquake Intensity Scale 5 pataas ay suspindedo ang in-person at online classes sa Pre-school / Kinder hanggang Senior High School, at Community Learning Centers.

Awtomatiko rin na suspendido ang lahat ng trabaho sa schools, teaching, at non-teaching personnel, division, regional, at central offices, maliban sa security, safety, finance, engineering, sanitation, health, at disaster response departments.

Para naman sa State and Private Colleges at Universities, kapag ang Bagyo ay may TCWS No. 1 ay suspended ang classes sa in-person classes at tuloy naman ang online classes samantala, kung ang TCWS signal No. 2 hanggang 5 ay suspended ang in-person at online classes, ganun din kapag nasa orange at red rainfall warning, floods warning at lindol.

Ang pagsususpinde naman sa teaching at non-teaching personnel ay nasa prerogative ng mga pinuno o Administrator ng Kolehiyo / Unibersidad.

Ang lahat ng desisyon hinggil sa iba pang kalamidad na hindi kasama sa nasabing ordinansa ay prerogative ng local chief executive na si Mayor WES batay sa rekomendasyon ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC). EVELYN GARCIA