BINIGYANG diin ni Senador Win Gatchalian ang isang probisyon na kanyang ipinanukala sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 kung saan pinahihintulutang gamitin ang Special Education Fund o SEF para sa distance learning sa darating na pasukan.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, maaaring gamitin ng local government units ang kanilang SEF para sa iba-ibang paraan at kagamitan para sa pagtuturo. Kabilang dito ang pagpapatupad ng online learning, pag-imprenta, at pagpapamahagi ng self-learning modules.
Maaari ring gamitin ang SEF para sa pagpapatayo ng mga handwashing stations at pagbili ng mga public health supplies, tulad ng sabon, alcohol, sanitizers, disinfectants, thermometers, face masks, at face shields.
Sa ilalim ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991, ang SEF ay nagmumula sa isang porsiyentong buwis na pinapataw sa mga ari-arian. Ang pondong ito ay ginagamit para sa pagpapatayo at pagkukumpini ng mga gusali sa paaralan. Maaari ring gamitin ang SEF para sa pagbili ng mga kagamitan at mga aklat, pati na rin sa pananaliksik.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na bagama’t may mga lokal na pamahalaang gumagamit na ng kanilang SEF para sa distance learning, mahalagang magkaroon ang Bayanihan 2 ng malinaw na mandato para magamit ang naturang pondo para sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng pandemya.
“Sa ating paghahanda para sa pagbubukas ng klase ngayong taon, nakita natin kung gaano kahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya ng COVID-19. Kaya isinulong natin sa Bayanihan 2 na magamit nila ang kanilang Special Education Fund upang matiyak natin na ang bawat LGU ay may dagdag na kakayahang tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga mag-aaral, mga guro, at kawani ng mga paaralan,” pahayag ni Gatchalian, Chairman of the Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Bagama’t ang Bayanihan 2 ay magkakaroon ng bisa hanggang Disyembre 19, 2020 lamang, isinusulong din ni Gatchalian ang pangmatagalang pagpapalawig sa paggamit ng SEF para sa distance learning. Ito ay sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act. Sa ilalim ng naturang panukala, maaari ring gamitin ang SEF para sa sahod ng mga guro at iba pang empleyado ng mga pampublikong paaralan. Layon din ng panukalang batas na gamitin ang SEF para sa sahod ng pre-school teachers at sa programang Alternative Learning System o ALS. VICKY CERVALES
Comments are closed.