(Para sa COVID-19 patients) 78% NG ISOLATION FACILITIES OKUPADO NA

NASA 78% na ng isolation facilities para sa mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR) ang okupado na.

Ito ang kinumpirma ni Health Undersecretary Leopoldo Vega sa Laging Handa briefing nitong Martes, isang araw matapos na simulan ng pamahalaan ang implementasyon ng ‘NCR Plus bubble policy’ o ang pagsasailalim sa general community quarantine (GCQ) sa NCR at mga kalapit nitong lalawigan ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna, mula Marso 22 hanggang Abril 4, dahil sa patuloy na pagdami ng naitatalang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kaugnay nito, sinabi ni Vega na kailangang dagdagan ang mga isolation facilities upang masigurong may mapagdadalhan sa mga taong magpopositibo sa coronavirus, na asymptomatic o kaya ay may mild na sintomas lamang ng karamdaman.

“We need to increase our isolation facilities because our TTMFs (temporary treatment and monitoring facilities) and isolation hotels are already occupied at 78%. If we have 8,000 new COVID-19 cases and 4,000 are in NCR since 63% of cases are in NCR, with 97% of them mild and asymptomatic, we need an extra number of isolation facilities,” aniya pa.

“Ito ang dapat unahin natin kasi ang ospital, last line of defense ‘yan for moderate and severe cases. Most of our cases are asymptomatic and mild, and so our first line of defense should be the TTMFs,” paliwanag pa ni Vega.

Nabatid na kabilang sa mga naturang isolation facilities ay yaong quarantine hotels at TTMF.

Matatandaang nitong mga nakalipas na araw ay pumalo ng 7,000 hanggang 8,000 ang mga kaso ng sakit na naitatala sa bansa kada araw kaya’t dumami ang mga pasyenteng dinadala sa isolation facilities at mga pagamutan. Ana Rosario Hernandez

One thought on “(Para sa COVID-19 patients) 78% NG ISOLATION FACILITIES OKUPADO NA”

Comments are closed.