(Para sa Davao City public transport modernization) PH UMUTANG NG $1-B SA ADB

INAPRUBAHAN na ng Asian Development Bank (ADB) ang $1 billion (P55.3 billion) loan sa Pilipinas para sa modernisasyon ng public transportation sa Davao City.

Sa isang statement, sinabi ng ADB na ang Davao Public Transport Modernization Project ang pinakamalaking road-based public transport project nito sa Pilipinas.

Ang proyekto ay magsisilbing pilot para sa pagsasaayos ng public transport system ng bansa.

Ayon sa Manila-based lender, susuportahan ng proyekto ang pagbili ng pamahalaan ng 1,100 modern buses na ang operasyon ay pamamahalaan ng pribadong sektor sa ilalim ng performance-based contracts.

Sa bagong fleet, nasa 60 percent ng annual greenhouse gas emissions mula sa public transport sa Davao City ang inaasahang maaalis.

“The project is set to transform the quality of Davao City’s public transport and support the city’s rapid economic growth with a low-carbon and climate-resilient bus system,” sabi ni ADB Senior Transport Specialist for Southeast Asia Shuji Kimura.

“Not only will this support the Philippines’ climate goals, but it will help to improve the lives of vulnerable populations especially women and the young who use public transport daily,” dagdag pa ni Kimura.

Ayon sa ADB, nasa 800,000 pasahero ang maseserbisyuhan ng proyekto kada araw.

Ang proyekto ay kinasasangkutan ng konstruksiyon ng 1,000 bus stops na may bright lighting at shelters, 5 bus depots at 3 bus terminals, gayundin ng bus training.

Ang intelligent transport system ay kinabibilangan ng bus location system, automatic fare collection systems at Wi-Fi connectivity sa buses, terminals at depots.