MAHIGIT P120 milyon pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang maaaring gamitin bilang tulong pangkabuhayan sa mga manggagawa o empleyado na naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.
Ito ang inihayag kahapon ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance na siyang nanguna sa pagdinig ng 2020 General Appropriations Act sa Senado.
Aniya, maraming manggagawa mula sa Cavite at Batangas ang apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Ayon sa mga ulat, mahigit 40,000 evacuees mula Cavite at Batangas ang napilitang agad na magsilikas dahil sa biglaang pag-alboroto ng nasabing bulkang na may isang linggo na ang nakararaan.
Liban sa nawalan ng tirahan at kakulangan sa pagkain at damit, nawalan din sila ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa naturang trahedya.
“Napakalawak at napakalaki ng mga naging apektado. Karamihan sa mga kababayan natin doon, nawalan ng mga ari-arian at kabuhayan. Obligasyon naman dapat ng gobyerno na kumilos at tulungan silang lahat sa mga ganitong pagkakataon,” ayon kay Angara.
“Tulungan natin silang makabangon sa lalong madaling panahon. Ito ang mga pagkakataong dapat tayong magkapit-kapit bisig at magtulungan para sa ating mga kaawa-awang kababayan,” dagdag pa ng senador.
Mababatid na sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act, mayroong P112.62 milyong inilaan para sa Adjustment Measures Program ng DOLE liban pa sa P6.8 milyong pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) program nito.
Ang TUPAD ay isang community-based assistance package ng DOLE na ang pangunahing layunin ay pagkakalooban ng emergency employment ang mga kababayang nawalan ng hanapbuhay, seasonal workers at mga underemployed sa loob ng 10 hanggang 30 araw.
Sa sandaling matapos ang emergency employment, sasailalim naman ang TUPAD beneficiaries sa skills training ng TESDA at ng mga katulad nitong training institutions.
Kaugnay naman ng Adjustment Measures Program ng DOLE, magbibigay naman ang ahensiya ng package of assistance sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa Taal eruption.
Layunin ng programa na mahulma ang kakayahan at ang employability ng displaced workers.
Tatanggap din ng tulong pinansyal sa loob ng anim na buwan ang mga permanent o regular employees katumbas ng 50 percent ng ipinatutupad na mimimum wage sa mga rehiyong apektado nang husto sa pagsabog ng Taal volcano.
Ang casual employees naman ay tatlong buwang tatanggap ng 25 percent ng mimimum wage hike na ipinatutupad sa kanilang rehiyon. VICKY CERVALES
Comments are closed.