NANINIWALA ang isang kongresista na maaaring naisalba mula sa kamatayan si Pinay household helper Jeanelyn Villavende kung mayroong pinaiiral na ‘quick response system’ para sa overseas Filipino workers (OFWs) na humingi ng tulong mula sa gobyerno ng Filipinas.
Dismayado si Partylist Congressman Ronnie Ong sa natanggap na impormasyon na bago pa man nadiskubre ang karumal-dumal na pagpaslang kay Villavende ay nauna nang nagpasaklolo ang huli bunsod ng hindi magandang pagtrato sa kanya ng kanyang naging employer sa Kuwait.
“Based on reports, Villavende managed to plea for help but not one from responsible government agencies had received such complaint and had responded quickly enough to initiate a possible rescue or at least verify her actual situation.” ani Ong.
“We must correct the inaction. May malaking mali dito. There is already a history of killings in Kuwait. May large concentration din ng OFWs. Eh ‘di lookout na dapat tayo. Andiyan ang recruitment agency, POEA, Embassy, the Filipino Center at OWWA. If only there is a quick mechanism to check on complaints of OFWs like Villavende, she would still be alive by now,” dagdag pa nito.
Pinuna ng mambabatas ang kasalukuyang ‘set up’ kung saan ang recruitment agencies ay pinagsusumite ng report sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung may kasong kinasasangkutan ang sinumang OFWs sa loob ng tinatawag na ‘five (5) working days’.
“Five working days? Mamamatay na ‘yung kababayan natin tapos gagawan muna ng report? The POEA policy should be changed and matters of life and death must be treated by the government with extreme urgency and must be coordinated the soonest possible time, without delay at any hour of the day,” diin ni Ong.
Aniya, buwan pa lamang ng Setyembre ay nagrereklamo na ang naturang Filipina household worker at hiniling din sa kanyang recruiter na pabalikin na lamang siya sa Filipinas.
Bukod sa pagmamaltrato, mas mabababa pa umano sa nakasaad sa kontrata ang tinatanggap na suweldo si Villavende sa kanyang Kuwaiti employer, na hanggang sa nangyari ang hindi dapat mangyari ay hindi natugunan ang sumbong nito.
Kaya naman, inihayag ni Ong na nakahanda siyang maghain ng isang panukalang batas kung saan maaaring maharap sa kasong administratibo at kriminal ang recruitment agency kasama na ang responsableng government officer o official na hindi umaksiyon agad o mabibigong tumugon sa paghingi ng saklolo o tulong ng isang OFW lalo’t kung ito ay nasa tinatawag na ‘in life and death situations’.
“This cycle of violence will only stop if these abusive employers know that our government is constantly looking after the welfare of our OFWs. Magkakaroon ng mabilis na aksiyon kung ‘yun din ang irerequire natin sa mga tao natin at sa mga recruitment agencies. Through the bill, we can instill that urgeny in them,” giit ng kongresista. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.