(Para sa drug cases) DILG MAGLALAGAY NG DOJ REPRESENTATIVE

BALAK ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na magtalaga ng permanenteng empleyado sa mga Fiscal’s Offices upang umakto bilang kinatawan ng Department of Justice (DOJ) sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Aniya, layunin nitong matiyak na ang mga inihahaing kaso ng mga awtoridad ay hindi madi-dismissed dahil lamang sa teknikalidad bunsod ng kawalan ng testigo.

Inihalimbawa pa ni Abalos ang kaso sa Mandaluyong, noong alkalde pa ang kanyang asawang si Vice Mayor Menchie Abalos, kung saan isang empleyado ang binabayaran at itinatalaga sa Fiscal’s Office upang maging DOJ representative sa lahat ng drug raids.

Ayon kay Abalos, ang magiging opisyal na tungkulin ng empleyado ay tumestigo sa Prosecutor’s Office upang matugunan ang requirement sa imbentaryo ng mga kinumpiskang ilegal na droga.

“You look at the cases sa fiscal dismiss ang kaso, yun ang sinasabing kulang sa testigo, ang ginawa namin sa Mandaluyong yung aking wife si Menchie Abalos, kumuha sya ng empleyado, in-assigned namin sa fiscals office at siya na ang representative ng Department of Justice sa lahat ng raid, yun ang trabaho at siya ang magte-testify and in so doing na-satisfy namin yung requirement na isang Barangay Captain at isang DOJ at halos walang na-dismiss na kaso because of that technicality in the city of Mandaluyong and that is what I intend to do,” ani Abalos sa isang pulong balitaan.

Imimungkahi rin nito sa Governors’ League at Mayors’ League at umaasang makukumbinse ang mga ito na i-adopt ang naturang sistema.

Tiniyak din ng kalihim na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matuldukan ang problema sa ilegal na droga sa susunod na anim na taon.

Giit ng DILG chief, dapat na bawat illegal drug case na ihahain ay ‘airtight’ at may matibay na mga ebidensiya upang hindi mabalewala ang mga ito dahil lamang sa teknikalidad. EVELYN GARCIA