(Para sa Eleksiyon 2022) CARDINAL ADVINCULA NANAWAGAN NG CIRCLE OF DISCERNMENT

HINIMOK ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na ituon ang sarili kay Kristo sa lahat ng aspeto ng buhay.

Mensahe ito ng Kardinal sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Christ The King.

“Nawa’y iluklok nating Hari si Kristo sa lahat ng aspeto ng ating buhay, lipunan, simbahan, tahanan, pamahalaan, pulitika, ekonomiya at kultura,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.

Binanggit pa ng arsobispo ang nalalapit na 2022 national and local elections na isang natatanging pagsasanay at mahalagang kabanata sa kasaysayan ng bansa.

Iginiit nito ang kahalagahan ng tungkulin ng bawat botante sa paghalal ng mga karapat-dapat na pinuno ng bayan.

Hamon ng Kardinal sa mamamayan na piliin ang katotohanang hatid ng Panginoong Kristong Hari sa pagpili ng mga mamumuno ng lipunan na may pagpapahalaga sa dignidad ng nasasakupan at pagsusulong ng kabutihang panlahat.

“Panalangin ko na mamayani sa ating lipunan ang paggalang sa dignidad ng tao, kabutihang pangkalahatan (common good), katarungang panlipunan at pagmamahalan (social justice and societal charity) at natatanging pagkiling sa mga dukha (preferential option for the poor),” giit ni Cardinal Advincula.

Ang panawagan ay tugma rin sa layunin ng “One Godly Vote” campaign ng Radio Veritas na palawakin ang voter’s education sa 63 milyong botante at tulungang kilalanin ang bawat kumandidatong indibidwal.

Isinusulong ng voter’s education campaign ng himpilan ang pagkilala sa katauhan ng mga personalidad na lumahok sa halalan bilang gabay sa paghalal ng mga taong isusulong ang kabutihan ng mga Filipino.