(Para sa face to face classes) DAGDAG NA DEGREE PROGRAM PINAG-AARALAN NG CHED

Dr-J-Prospero-De-Vera

PINAG-AARALAN na ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagdaragdag ng mga degree program na isusunod kapag pinayagan ng pamahalaan na makapagsagawa ng limited face to face classes.

Matatandaan na sa kasalukuyan, tanging ang degree programs pa lamang na nangangailangan ng hands-on experience ang pinapayagan na magkaroon ng limited face to face.

“Currently, more than 30 degree programs are allowed to hold limited in-person classes,” sabi ni CHED Chairman Prospero De Vera sa press briefing kahapon.

Kabilang dito ang medicine at allied health and science course, engineering and technology, hospitality o hotel at restaurant management, tourism & travel management, marine engineering, at marine transportation.

Ayon kay de Vera, inaaral na nila ang posibilidad na buksan din ang limited face to face classes para sa lahat ng degree programs sa mga lugar na mababa ang bilang ng mga COVID-19 cases at mataas ang vaccination rates.

Kung papayag ang mga LGU, at masusunod ng mga pamantasan ang guidelines, at papasa sa inspeksiyon ang mga ito, posibleng mapayagan na rin ang pagsasagawa ng limited face to face classes sa COVID Low Risk areas.

Sa oras aniya na maipatupad ito, magkakaroon na ng dalawang kategoriya ang face to face classes sa bansa, o iyong by degree program, at by geographic area.

Binanggit ni de Vera na mataas ang vaccination rates sa mga personnel at estudyante ng Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte kung saan 91 porsiyento ng faculty members at 97 porsiyento ng mga estudyante ang bakunado na.

Sinabi pa ni De Vera na 73 porsiyento ng higher education personnel mula sa 1,488 universities and colleges sa bansa ang bakunado na base na rin sa Oktubre 6, 2021 report.

Nagsasagawa rin aniya ang CHED ng “vaccination caravan,” na mag-iikot sa mga higher education institutions para mabakunahan ang mga personnel nito maging ang mga estudyante.

Samantala, tinatayang nasa 21,000 estudyante at mahigit 1,000 faculty members ang pinayagan nang magsagawa ng face-to-face classes makaraang aprobahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte. EVELYN QUIROZ

6 thoughts on “(Para sa face to face classes) DAGDAG NA DEGREE PROGRAM PINAG-AARALAN NG CHED”

Comments are closed.