PINANGUNGUNAHAN ni naturalized player Justin Brownlee ang 24-man Gilas Pilipinas pool na kakatawan sa bansa sa Window 6 ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sa listahang inilabas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) nitong Biyernes, makakasama ng American-born forward sina Ginebra teammates Scottie Thompson, Jamie Malonzo, at Japeth Aguilar.
Nasa pool din ang iba pang PBA stars tulad nina CJ Perez, Chris Newsome, RR Pogoy, Calvin Oftana, Arvin Tolentino, June Mar Fajardo, at Raymond Almazan, gayundin ang mga Pinoy na naglalaro bilang imports sa ibang bansa — Kiefer at Thirdy Ravena, Jordan Heading, Ray Parks, Dwight Ramos, Carl Tamayo, at Kai Sotto.
Ang iba pa sa listahan ay sina Ateneo high school product Mason Amos, Adamson guard Jerom Lastimosa, La Salle gunner Schonny Winston, Ange Kouame, Francis Lopez, at Kevin Quiambao.
Ang final window ng FIBA qualifiers ay gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Makakaharap ng Gilas ang Lebanon sa Feb. 24, at Jordan sa Feb. 27.
Ang Pilipinas ay may 5-3 kartada sa Pool E kasunod ng mga panalo kontra Jordan at Saudi Arabia sa road sa fifth window.