SAPAT ang suplay ng lokal na prodyus ng patatas sa bansa at tanging ang chipping potatoes o ang ginagamit ng mga fast-food chains sa paggawa ng French fries ang apektado ng global shortage.
“As far as the Department of Agriculture is concerned, our local potatoes, which unfortunately are not the variety na ginagamit for French fries, ay tayo naman ay very very much sufficient. Actually, surplus pa nga tayo,” paglilinaw ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista sa isang panayam.
Ipinaliwanag ni Evangelista na ang locally-produced na patatas o “table potato,” na karaniwang ibinebenta sa mga palengke, supermarkets, at grocery ay iba ang tekstura at consistency kumpara sa chipping potato variety.
Idinagdag din niya na kinakailangan din sumunod ng fast-food chains sa kanilang global franchisors ukol sa variety ng patatas na gagamitin sa paggawa ng French fries.
“That is something beyond our control,” giit ni Evangelista.
Aniya, upang matulungan naman ang local potato farmers, nakikipag-ugnayan na ang DA sa local restaurants na hikayatin sila na sa mga magsasaka na kumuha ng suplay ng patatas para sa kanilang side dishes.
“Because they don’t have to comply naman sa requirements ng international fast-food chains so kami po ay nakikipag-usap sa mga grupo katulad ng RestoPH,” dagdag pa ng DA exec. EVELYN GARCIA