SA nalalapit na pagbabalik ng full face to face classes , isinulong ng Marikina ang hand washing para sa paglikha ng ligtas na mga paaralan at komunidad sa nasabing lungsod.
Binigyang-diin ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at mga partner ang pangangailangan na taasan ang access sa handwashing facilities upang makalikha ng ligtas na learning environment.
Napag-alaman sa WHO-UNICEF Joint Monitoring Panel for Water, Sanitation and Hygiene 2021 update na 64 porsiyento ng mga paaralan ang may access sa handwashing facilities.
Naglaan ang DepEd ng ilang milyon para sa pagpapatayo at pagpapagawa ng water, sanitation, and hygiene facilities sa mga pampublikong mga paaralan.
Sa 2022 Global Handwashing Day, nanawagan ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Department of Health (DOH), UNICEF, WHO at Lungsod ng Marikina sa iba’t ibang sektor upang isulong ang tamang handwashing, upang markahan ang tema ngayong taon na “Sama-samang ikaway, Malilinis na Kamay!,”
Nagtipon ang mga partner sa Marikina Elementary School kahapon upang muling pagtibayin ang kanilang commitment na palakasin ang mga programa sa hand hygiene at pataasin ang access sa facilities para sa mga paaralan at iba pang community spaces, tulad ng mga pamilihan, health centers at mga opisina.
Ipinapakita sa pag-aaral na nakapagpapababa ng kaso ng diarrhea ng 30 porsiyento at respiratory infections hanggang 20 porsiyento ang handwashing ng may kasamang sabon.
Nagagamot ang diarrhea at pneumonia ngunit sa Pilipinas, kabilang ito sa 10 pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga bata edad 1 hanggang 4 na taon, ayon sa 2019 Philippine Health Statistics ng DOH.
Tinatayang nasa 30 porsiyento ng mga bata edad lima pababa sa Pilipinas ang stunted, ayon sa Food and Nutrition Institute (FNRI).
Napag-alamang naging epektibo sa pagpapataas ng handwashing practice ng mga mag-aaral nang 17.3 porsiyento, ayon sa ginawang pag-aaral ng DepEd at UNICEF sa mga paaralan sa Zamboanga del Norte ang mga handwashing nudges tulad ng makukulay na mga yapak patungo sa mga handwashing station, watching eyes, arrow stickers na nagtuturo sa sabon at mga poster na may payak na mga mensahe.
Ang DOH, kasama ang UNICEF ay nagpapatupad din ng Wash O’Clock national handwashing campaign na gumagamit ng mga behavioral nudges na ito upang paalalahanan ang publiko na maghugas ng kamay gamit ang sabon sa mahahalagang oras, tulad ng bago kumain at matapos gumamit ng palikuran.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 3.4 milyon ang mga Pilipinong naabot ng kampanya.
Sa Lungsod ng Marikina, isinagawa at positibong tinanggap ang multi-sectoral initiative na ito.
“The City Government of Marikina puts primary importance on the health of every Marikina family. One of our longstanding priorities is to provide and maintain a clean and safe environment, especially for our children. We have been encouraging frequent handwashing as part of our COVID-19 health protocols, and now we are excited to implement the Health Promotion Playbook on behavioral nudges in our communities. This will help make handwashing with soap a healthy habit in Marikina,” ani Mayor Marcelino Teodoro. ELMA MORALES