PINAALALAHANAN kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante hinggil sa tamang paraan ng pagsi-shade ng balota para sa nalalapit na May 13 National and Local Elections.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, nananatiling 25 porsiyento ang shading threshold para sa eleksiyong idaraos sa Mayo 13, na nangangahulugang kung nasa ¼ ng oval ang nalagyan ng shade ng botante ay bibilangin na ito ng vote counting machines (VCMs).
Sa kabila naman nito, mahigpit pa rin ang paalala ni Jimenez na mas makabubuting i-shade nang buo ng mga botante ang oval.
Hindi rin naman inirerekomenda ni Jimenez na ilampas sa oval ang shading at huwag ding sulatan o lagyan ng drawing o anumang marking ang balota, dahil sa posibilidad na matakpan nito ang ilang invisible security marks nito, at maging ang timing marks, na magreresulta rin sa hindi pagbasa rito ng VCMs dahil sa pag-aakalang peke ito.
Nabatid na ang timing mark ay ang mga itim na parihabang hugis sa paligid ng balota na nagsisilbing guide ng VCMs para makilala ang balota.
Dapat din aniyang ang mga pen na bigay ng Comelec ang gamitin sa pagsi-shade ng balota dahil maaaring hindi kilalanin ng mga makina ang ibang uri ng panulat gaya ng lapis at ballpen.
“Hindi naman ito coloring book,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.