PAHAHABAIN ng major train lines sa Metro Manila ang kanilang operation hours upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa gitna ng holiday season, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na ie-extend ng Metro Rail Transit (MRT)-3 at Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2 ang operating hours simula sa December 16 upang maserbisyuhan ang mas maraming commuters para sa Pasko at Bagong Taon.
“On select days, our trains will operate earlier in the morning and later into the night to offer greater convenience to passengers during the holiday season,” sabi ni Bautista.
“These adjustments will also allow our rail employees more time to spend with their families as they celebrate the holidays,” aniya.
Mula December 16 hanggang December 23, sisimulan ng MRT-3 ang kanilang unang commercial trip mula North Avenue station sa alas-4:30 ng umaga at alas-5:05 ng umaga mula Taft Avenue. Ie-extend ng train line ang operating hours nito, kung saan ang huling commercial train ay aalis sa North Avenue sa alas-10:34 ng gabi at Taft Avenue sa alas-11:08 ng gabi.
Gayunman, sa December 24 at 31, ang huling commercial train ay aalis sa North Avenue sa alas-7:45 ng gabi at Taft Avenue sa alas-8:23 ng gabi.
Sa December 25, 2024 at January 1, 2025, ang MRT-3 operation ay magsisimula sa alas-6:30 ng umaga, kung saan ang huling commercial train ay aalis sa North Avenue sa alas-9:30 ng gabi at Taft Avenue sa alas-10:09 ng gabi.
Ang regular hours ay susundan sa December 26-30, 2024 at January 2, 2025 pasulong.
Samantala, sisimulan ng LRT-2 ang commercial trips nito sa Antipolo at Recto stations sa alas-5 ng umaga mula December 17 hanggang December 23. Ang operating hours nito ay palalawigin sa naturang mga petsa, kung saan ang huling biyahe ng Antipolo Station ay sa alas-9:30 ng gabi at Recto station sa alas-10 ng gabi.
Sa December 24, ang parehong LRT-2 stations ay magbubukas sa alas-5 ng umaga subalit ang huling commercial trip ng Antipolo station ay sa alas-8 ng gabi at Recto station sa alas-8:30 ng gabi. Ang regular operating hours ay ipatutupad sa December 25-December 30 at January 1 pasulong.
Sisimulan naman ng LRT-1, na tumatakbo mula Dr. Santos Station (dating Sucat) sa Paranaque hanggang Fernando Poe Jr. Station sa Quezon City, ang adjusted operating hours nito sa December 20.
“The two terminus stations will have their earliest operations on December 20, December 23 and December 26 to December 27 at 4:30am. Their latest operations will be on December 20 and December 23, with the last train departing at 10:30 p.m. and 10:45 p.m. from Dr. Santos and FPJ stations, respectively,” ayon sa DOTr.