(Para sa holiday season) SPECIAL PERMIT SA TNVS, IBA PANG PUVs

MAGKAKALOOB ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permits para sa public utility vehicles (PUVs) bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga commuter sa loob at labas ng Metro Manila sa holiday season.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, ang aplikasyon para sa special permits para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS) ay nagsimula noong nakaraang linggo. Para sa iba pang PUVs, ang aplikasyon ay bubuksan sa Disyembre 15.

“Iyong special permits ng TNVS, it opened last week, we have given 5,000 new units for the TNVS,” sabi ng LTFRB.

“For the special permit for Christmas, we will start opening the application on December 15 and then the special permit would be from December 20, 2024 to January 4, 2025,” dagdag pa ni Guadiz.

Samantala, ang aplikasyon para sa special permits para sa public utility buses (PUBs) ay nagsimula noong Nobyembre 18 at nagtapos noong Nobyembre 29. Ang special permit ay valid mula Disyembre 23, 2024 hanggang Enero 3, 2025.

Ayon kay Guadiz, ang hakbang ay naaayon sa mandato ng LTFRB na tiyakin ang episyente at ligtas na public transportation para sa mga commuter.

“Like the usual practice, we are opening slots for special permits to ensure that there are ample PUVs that would cater to our riding public during the holidays,” anang LTFRB chief.

Kasabay nito ay nanawagan si Guadiz sa mga commuter na manatiling mapagbantay para masiguro ang ligtas at maayos na pagbiyahe.

“Please patronize legitimate public transportation, follow safety protocols, and report any overcharging, overloading, or other violations through our official hotlines and channels,” aniya.