(Para sa ika-453 anibersaryo) LIBRENG CONCERT, MASS WEDDING SA ARAW NG MAYNILA

NAGING matagumpay ang jampacked free concert na dinaluhan ng libo-libong katao, gayundin ang mass kung saan daan-daang pares ang nagpalitan ng kanilang matamis na oo.

Ito ay ilan lamang sa nakalinyang aktibidad na bahagi ng pagdiriwang ng ika-453 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila ngayong buwan ng Hunyo.

Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang personal na nangunguna sa mga gawain lalo’t inaasahan pa ang mas maraming aktibidad na magaganap hanggang sa dumating ang “Araw ng Maynila” sa Hunyo 24.

Ang serye ng konsyerto na tinawag na ‘Tunog Maynila’ ay nagpatuloy sa kabila ng buhos ng ulan.

Mayroon namang kabuuang 253 pares ang ikinasal nitong weekend sa ‘Kasalang Bayan 2024’ na parehong sa civil at simbahan.

Sa reception na sponsor ng pamahalaang lungsod ng Maynila, nanawagan si Lacuna sa mga bagong kasal na pagsikapan nilang maging matagumpay ang kanilang kasal at para naman sa mga tumayong ninong at ninang, nanawagan din si Lacuna na gabayan ang mga inaanak na bagong kasal upang maging matagumpay ang kanilang pag-iisang dibdib.

Sa pagsasagawa ng civil rites bilang alkalde ng Maynila, binigyang diin ni Lacuna ang pangangailangan ng mag-asawa na maunawaan ang kanilang kasal at maging responsable sa kanilang desisyon.

“Nais kong ipaunawa sa lahat ng narito laluna sa mga ikakasal na ang ganitong kasalan na ginagampanan ng isang Punong-Lungsod na awtorisadong tagapag-paganap ay ligal at balido,” paliwanag nito.

“Sana ay tuloy-tuloy ang inyong pagmamahalan… at sa mga ninong at ninang, sana ay gabayan at tulungan ninyo ang mga bagong kasal nang sa gayon naman po ay maganda ang kanilang pagsasama. In behalf of the city government of Manila, nais ko kayong batiin… Mabuhay ang bagong kasal!,” pahayag pa ni Lacuna.
VERLIN RUIZ