(Para sa kababaihan at kabataan) CERVICAL SCREENING, HPV VACCINATION IKINASA

IKINASA ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang pagsasagawa ng mga programang cervical screening para sa lahat ng kababaihan at HPV (human papillomavirus) vaccination naman para sa mga kabataan sa lungsod.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, ang HPV vaccination ay nakatakdang isagawa ng dalawang araw mula Marso 23 hanggang 24 ng alas-8 ng umaga hanggang alas-3 lamang ng hapon na gaganapin sa Malibay Evacuation Center.

Ang mga kabataan na nasa edad 9-14 ay maaari nang tumanggap ng HPV vaccines ngunit kailangan ng mga ito na kasama ang kanilang mga magulang o guardian.

Sa pagsasagawa naman ng ikalawang cervical screening program ay gaganapin ito sa Pasay City Astrodome sa darating na Marso 30 at 31.

Ang dalawang magkasunod na programa ng lokal na pamahalaan ay bahagi din ng selebrasyon ng National Women’s Month.

Hinikayat ng alkalde ang mga kababaihang residente ng lungsod na nasa edad 20-59 na samantalahin ang oportunidad na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan at maging bahagi na rin ng “Juana be Healthy” program ng gobyerno.

May medical team na magsasagawa ng cervical screening kung saan gagamit ang mga ito ng pamamaraan ng visual inspection na mayroong acetic acid.

Ang visual inspection na mayroong acetic acid ay isang pagsusuri na makikita sa pamamagitan lamang ng ating mga mata kung saan ang uterine cervix ay lalagyan ng 5 porsiyentong acetic acid at ang resulta ay agad na malalaman sa loob lamang ng isang minuto.

Dagdag pa ng alkalde na ang nasabing pagsusuri ay isa lamang simple at hindi magastos na pamamaraan upang ma-detect ang cervical precancerous lesions gayundin ang maagang invasive cancer.

Pinayuhan din ang mga interesado sa nabanggit na programa ng lokal na pamahalaan at makipag-ugnayan na lamang sa mga health centers na malapit sa kanilang mga lugar. MARIVIC FERNANDEZ