MATAPOS na ihayag na pinag aaralan ng prosekusyon ang salaysay ng dalawang sa apat na suspek sa Degamo slay case kaugnay sa posibilidad na ilagay sila sa witness protection program ng gobyerno ay pansamantalang inilipat sa kustodiya ng Philippine National Police sa Camp Crame ang mga sangkot sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, kasalukuyang nakaditine na sa PNP Custodial Center ang apat na suspek kasunod ng ginawang inquest proceeding mula Negros Oriental.
Kinilalang ang suspek na sina Joven Aber, Benjie Rodriguez, Joric Labrador at Osmundo Rivero na pawang mga ex-army na na-dismiss sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga at nag-Absence Without Official Leave (AWOL).
Sinabi pa ni Fajardo, ang paglipat sa mga suspek sa Custodial Center ng PNP ay para sa kanilang proteksiyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Magugunitang, dalawa sa apat na suspek ang nag-execute ng extrajudicial confession at kinokonsidera ang paglalagay sa mga ito sa witness protection program (WPP) ng pamahalaan.
Samantala, ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na palitan ang lahat ng police personnel sa Negros Oriental.
Kabilang sa papalitan ay ang mga police personnel sa Bayawan City, gayundin sa iba pang local government units (LGUs) sa naturang lalawigan.
Ani Abalos, ipinadala niya si PNP deputy chief for administration Lt Gen. Rhodel Sermonia sa Bayawan City upang ipatupad ang kanyang direktiba na agad naman naisakatuparan.
“As per his latest update, General Sermonia has completed the turnover of the Bayawan City police chief and the changing of all police personnel,” pahayag pa ni Abalos.
Aabot sa 75 police personnel ang naapektuhan ng naturang kautusan sa Bayawan City.
Si Lt.Col. Stephen Amamaguid na mula sa Cebu, ang siya nang hepe ng Bayawan City Police, kapalit ni Lt.Col. Rex Aboy Moslares.
Matatandaang si Degamo ay pinagbabaril at pinatay ng anim na armadong lalaki na pumasok sa loob ng kanyang tahanan habang namimigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.
EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ